Suporta ng LGU, kinikilala ng SDO Batangas City

  1.jpg 2.jpg

Malaking tulong ang suportang ipinagkakaloob ng isang local government unit (LGU) sa mga pampublikong paaralan na kanyang nasasakupan. Ito ay ayon kay Dep Ed Superintendent Dr Zaldy Bolanos ng Schools Division Office (SDO) Batangas City.

“Hindi kami nahihirapan sa pagpapatupad ng aming mga programa at maalwan para sa amin na magampanan ang aming tungkulin dahil sa suporta ng lokal na pamahalaan lalo na ngayong panahon ng pandemya”, sabi ni Dr Bolanos. Binigyang diin niya na naging maayos ang pagbubukas ng klase noong ika-5 ng Oktubre sa pamamagitan ng modular distance learning.

Naipamahagi sa mga learners sa tulong ng mga barangay officials, community volunteers at mga magulang ang mga modules na gagamitin ng mga mag-aaral. Magugunita na may 25,000 junior at senior high school students sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ang pinagkalooban ng tablets habang 39, 000 public elementary school pupils naman ang tumanggap ng libreng school supplies.

Inaasahan na matatanggap na ng 2400 guro ang mga laptops na kanilang gagamitin sa pagtuturo ngayong linggong ito. Ito ay mula sa pondo ng Local School Board (LSB) kung kayat lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng Dep Ed kina Mayor Beverley Rose Dimacuha at Congressman Marvey Mariño.

Idinagdag pa ni Bolanos na mapalad ang SDO Batangas City sa pagkakaroon ng mga donors at partners tulad ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation, ng Kepco Ilijan Community Foundation at mga private individuals na nagkaloob ng mga internet modems, 25,000 sim cards with load at libreng cell phones sa mga public schools.

Naglaan na din aniya sila ng pondo mula pa rin sa LSB na P 4M halaga upang magamit sa internet connectivity. “Na-identify na namin ang mga paaralan na may weak at no signal para doon ilagay ang tower”, sabi ni Bolanos.

Ito ay bilang tugon sa mahinang wifi at mobile signal para maka connect sa internet at makapagpatuloy sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Samantala, isa at kalahating oras ang screen time na gugugulin ng mga kinder to grade 3 students, dalawang oras ang mga grade 4-6 students habang apat na oras naman para sa mga highschool students upang malimitahan at mapangalagaan ang kalusugan ng mga ito. (PIO Batangas City)