Mga guro ng lungsod, pinasalamatan ni Mayor Dimacuha sa pagdiriwang ng Teacher's Month

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

Pinuri at pinasalamatan ni Mayor Beverley Dimacuha ang dedikasyon ng mga guro sa Batangas City na patuloy na nagbibigay ng de kalidad na edukasyon sa mga learners sa kabila ng pandemya.

Ito ang mensaheng kanyang ipinaabot sa idinaos na virtual Division Culminating Activity ng Teachers Month ng Schools Division Office (SDO) Batangas City, October 2. Binigyang diin niya na dama nila ni Congressman Marvey Marino ang malasakit ng mga ito hindi lamang sa mga mag-aaral kundi maging sa lungsod.

Sa okasyon ding ito ipinabatid ni Mayor Dimacuha na matatanggap na ng 2,300 public school teachers ang kani-kanilang laptop mula sa lokal na pamahalaan sa susunod na Linggo.

Lubos ang pasasalamat ni Batangas City Schools Superintendent Dr. Zaldy Bolanos sa suportang ipinagkakaloob sa kanila nina Mayor Dimacuha at Congressman Mariño. Nagpaabot din ng pagbati si Dr. Bolanos sa kapwa niya mga guro at nagpasalamat sa kanilang pakikiisa sa mga inihandang gawain para sa selebrasyon na aniya ay naglalayong makapagbigay ng relaxation at kasiyahan sa mga guro.

Kahit mahirap aniya ay nakikita niya ang kagustuhan ng mga ito na makapaglingkod. Hinikayat niya ang mga kasamahan na bigyang prayoridad ang kapakanan at pagmamalasakit sa mga mag-aaral lalot higit sa panahong ito. "Teaching is an affair of the heart. Learners will remember not those who teach from the books, but those who teach from the heart," pagdidiin ni Dr. Bolanos. (PIO Batangas City)