Barangay Service Point Officers sa lungsod, pinarangalan

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Pinarangalan ng pamahalaang lungsod ang mga Barangay Service Point Officers (BSPO) sa lungsod sa pagdiriwang ng ika-35 taong anibersaryo nito, April 22.

Tema ng selebrasyon ay “Katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng Pamilya at Pamayanan". Pinakamatagal sa serbisyo si Fe Javier ng barangay Tulo na 39 taon na sa panunungkulan.

Lubos aniya ang kanyang kasiyahan sa paglilingkod bilang BSPO kung saan marami siyang natutunan at natutulungan. Sina Marcela Aguilar ng barangay Pinamucan Ibaba at Marieta Aquino ng Dela Paz Pulot Aplaya ay 37 taon sa serbisyo habang sina Rene Untalan ng barangay San Pedro, Anicia Almarez ng Sto Domingo at Mario Eje ng Sto Nino ay 35 taong naglilingkod bilang BSPOs. Sila ay ginawaran ng certificate of recognition at cash gift.

Sa mensahe ni Mayor Beverly Dimacuha, pinasalamatan niya ang mga BSPO bilang mga katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa ng City Health Office (CHO) partikular sa responsible parenthood at reproductive health.

Nagpaabot din ng pagbati si Congressman Marvey Marino at pinuri ang dedikasyon ng mga BSPO upang masiguro ang kalusugan ng pamilyang Batangueno. Ayon sa Pangulo ng BSPO Association na si Arleny Salinas, ipagpapatuloy nila ang suporta sa nabanggit na programa ng lokal na pamahalaan at higit na pag-iibayuhin ang kanilang paglilingkod.

Nagwagi bilang Ms BSPO Lungsod ng Batangas 2024 si Ladylane Bachoco ng barangay Simlong. Siya ay tumanggap ng sash, bouquet at cash prize.
Ang pagdiriwang ay pinangasiwaan ng PopComm Division ng CHO na pinamumunuan ni OIC-Population Program Officer Arlyn Macatangay.
Nakiisa din sa naturang okasyon sina Vice Mayor Alyssa Cruz, Bokal Claudette Ambida at mga myembro ng Team EBD. (PIO Batangas City)