Batangas City nabiyayaan ng pastoral visit ni Lipa Arch Garcera

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Binisita ni Lipa Archbishop, Most Rev. Gilbert Garcera, D.D ang Basilica Immaculada Concepcion sa Batangas City kahapon, September 5, bilang bahagi ng kanyang pastoral visit na isinasagawa sa mga parokya kada limang taon upang malaman ang sitwasyon ng Simbahang Katolika dito at kung lumalago ang pananampalataya ng mga miyembro nito.

Nagdiwang siya ng Banal na Misa kung saan dumalo ang mga opisyal ng lalawigan at lungsod ng Batangas sa pangunguna nina Vice Governor Nas Ona at Mayor Beverley Dimacuha. Kasama nila sina Board Members Claudette Ambida at Bart Blanco, Vice Mayor Jun Berberabe at Coun. Alyssa Cruz. Ayon kay Arch. Garcera, ang visita pastoral ay paraan ng simbahan upang alamin, pagnilayan, pagdasalan kung ang parokya ay lumalago bilang sambayanan ng Diyos at malaman ang katatayuan ng buhay pastoral dito.

“Ayon kay San Pablo, we are the farm of God, ang Diyos ang nagtatanim, nagpapadala ng mga manggagawa para alagaan ang bukirin. We are the building of God, kung kaya’t ang pastoral visit na ito ay dapat daw, it is the duty of the Bishop to visit every 5 years upang tingnan ang bukirin ang gusali ng pananampalataya ay lumalago at tingnan kung may mga sagabal sa paglago ng pananampalataya,” dagdag pa ni Arch. Garcera.

Sinabi rin niya na bago ang naturang pastoral visit, nagpulong sila ng Pastoral Council, church ministries at iba pang konsernado noong May 17, 2018. Nagkaroon sila ng pagninilay at pagtaya kung ramdam si Jesus sa 28 na barangay na nasasakop ng parokya.

Bukod sa pastoral life ng parokya, ay tiningnan din ng Arsobispo ang pananalapi ng parokya, ang koleksyon at paggastos nito, at ang opisina kung saan aniya ay ang mga sekretarya dito na sinasabing mukha ng parokya kaya’t dapat sila ay accommodating para makahikayat ng mananampalataya.

Ipinaabot din ng Arsobispo ang kahilingan ng Santo Papa Francisco na ipagdasal sya at ang buong simbahang Katolika dahiil sa mga kinakaharap nitong mga pagsubok at pagbatikos.