Scholarship para sa mga teachers isinusulong sa konseho

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Isang ordinansa ang ipinapanukala sa Sangguniang Panlungsod na naglalayong magkaloob ng scholarship para sa masteral at doctoral studies sa mga kwalipikadong public elementary, secondary at tertiary teachers.

Ang ordinansa na inihain nila Konsehal Aileen Montalbo at Karlos Butede sa session noong September 4 ay may pamagat na “An Ordinance Providing for Batangas City Scholarship and Educational Assistance Program to Public School Teachers and Providing Funds Therefor” ay inaprubahan para sa first reading at nakatakdang sumailalaim sa committee hearing.

“It’s about time na bigyan naman natin ng insentibo ang ating masisipag na guro. Kung mapapansin po ninyo, halos lahat ng scholarship programs sa Pilipinas ay nakatuon sa mga estudyante. Minsan nalilimutan natin na ang mga teachers natin ay nangangailangan din ng ating tulong,” sabi ni Montalbo.

Ayon sa ordinansa, may dalawang categories na pwedeng pagpilian ang mga teachers na nagnanais maka avail ng scholarship.

Ang Category A kung saan limang (5) public school teachers na nagtuturo sa alinmang public school, elementary man, sekundarya o tertiary ay maaaring kumuha ng kanilang masteral o doctoral studies sa alinmang branch ng Batangas State University (BSU). Sasagutin ng City Government ang 100% na tuition nila maliban sa miscellaneous fees.

Mayroon ding Category B na halos pareho ng kwalipikasyon maliban lamang sa eskwelahang nais nilang pasukan.

“Kung category B ang kanilang pipiliin at nais nilang sa ibang school kumuha ng kanilang graduate studies, P10,000 naman ang ibibigay na ayuda para sa kanila,” dagdag ni Montalbo.

Iminungkahi naman ni Konsehal Sergie Rex Atienza na i-maximize ang Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB). Aniya, maraming magagaling na teachers ang CLB at tamang-tama ang ordinansang ito para sa kanila.

“Pwede nating lagyan ng isa pang kategorya. Halimbawa, Category C, na ang makikinabang ay ang mga guro ng CLB. Alam naman natin na halos topnotchers ang mga passers nito sa Licensure Examination for Teachers taon-taon,” ani Atienza.

Humingi rin ng klaripikasyon si ABC President Angelito Dondon Dimacuha sa ilang probisyon ng ordinansa. Ilan dito ay kung saan kukunin ang budget nito at ang kwalipikasyon ng mga guro na mag-aapply para sa naturang educational assistance.

“Napakaganda ng ordinansa at nais kong i-congratulate ang mga may-akda sa pagda-draft nito. Kaya lamang sa ating darating na committee hearing dapat mai-establish nating maige ang mga rules at procedure sa pagpili ng scholars. Baka mamaya mag-a-avail sila ng programa tapos pag naka-graduate sila e lumipat sila sa private school. Defeated naman yung purpose natin,” ani Dimacuha.

Agad naman itong sinangayunan ng mga miyembro ng konseho at itinakda ang committee hearing sa mga susunod na araw. (PIO Batangas City)