Oplan SUMVAC handa ng tumulong sa mga biyahero ngayong Semana Santa

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Handa na ang Batangas City PNP sa pagdagsa ng mga biyahero at turista sa lungsod ngayong Semana Santa kung saan muli nilang ipatutupad ang Oplan SUMVAC o Summer Vacation 2018 – Ligtas Byahe.

Ayon kay Pol. Supt. Wildemar Tan Tiu, ngayong araw na ito ang simula ng Oplan SUMVAC 2018 kung saan magdedeploy sila ng mga tauhan at police assistance desks sa mga strategic points tulad ng Batangas Port, Grand Terminal sa Alangilan Diversion Road, mga malls at tourist at pilgrimage destinations.

Ang nasabing operasyon kung saan si Tiu ang magsisilbing Incident Commander ay kinabibilangan ng tauhan ng ibat-ibang tanggapan tulad ng City Health Office, Bureau of Fire Protection, Transportation Development and Regulatory Office, CDRRMO at Philippine Red Cross. May koordinasyon din sa Philippine Coast Guard. Nag –offer din ang Philippine Air Force ng air support kung kakailanganin.

May mga payo rin ang hepe upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan at maseguro ang kaligtasan ng mga tao.

Umapela si Tiu sa mga opisyales ng coastal barangays na tulungan sila sa pagmomonitor ng mga beaches upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.

Tinatagubilinan niya ang mga may-ari ng tahanan na may planong umalis ng ilang araw o magbakasyon na siguraduhing nakakandado ang mga pinto at bintana at itago sa vault ang mga valuables. Mas magaling din kung may maiiwang tao sa bahay o may aso. Icheck din ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan bago bumyahe.

Upang maiwasan ang modus operandi ng Termite gang na nagnakaw sa Golden Sun Jewelry Store kamakailan sa pamamagitan ng pagdaan sa drainage, sinabi ni Tiu na nagkaroon sila ng ocular inspection sa mga drainage, tunnel at culvert ng mga business establishments. “Payo ko sa mga may-ari ng mga financial institutions at jewelry shops na maglagay ng muriatic acid sa mga drainage na pwedeng daanan ng mga kawatan. Isa rin ito sa mga preventive measures na pwedeng gamitin sa mga kabahayan upang hindi makatagal sa nasabing mga daanan ang mga magnanakaw.”

Ipagbigay alam agad sa pulis kung mayroong kahina-hinalang mga tao o grupo na umaaligid sa kanilang tahanan o establisyimento.

Para naman sa mga commuters, pinapayuhan silang ingatan ang kanilang wallet, bag at iba pang mahahalagang kagamitan upang hindi ito manakaw.

Bilin din ni Tiu sa mga magulang na huwag iwan ang kanilang mga anak na babae sa mga kumpare o hindi gaanong kilalang kaibigan o kaanak sapagkat “alarming” ang kaso ng rape sa kasalukuyan.

Binigyang diin din niya na walang katotohanan ang kumakalat na balitang white van na nagunguha ng mga kabataan. Wala pa aniyang ganitong insidente ang napaulat sa kanilang tanggapan.

Nagsagawa rin ang city police ng camp defense plan o routinary spontaneous exercise na isinasagawa quarterly kung saan mayrloon silang simulation activities Ito ay bilang paghahanda sa posibleng pag-atake sa kanilang police station at emergency situations tulad ng kanilang ginagawa kapag may earthquake at fire drills. (PIO Batangas City)