Batangas City tumanggap ng award sa kampanya nito laban sa TB

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

Tumanggap ng karangalan ang Batangas City mula sa Batangas Provincial Health Office dahilan sa mahusay na pagpapatupad nito ng National Tuberculosis Program. Ito ay kaugnay ng paggunita sa World TB Day 2018 na may temang “Wanted: Leaders for TB- Free Philippines, Mga LODI…sugpuin ang TB!”

Tinanggap ni Mayor Beverley Rose Dimacuha, City Health Officer Rosanna Barrion at kanyang staff ang karangalan ng lungsod bilang may High Case Notification Rate and Treatment Success Rate noong March 23 sa awarding ceremony sa Batangas Country Club.

Ayon kay Barrion, maraming na target ang CHO na pasyenteng may TB at patuloy ang NTP Core Team sa pagsasagawa ng case findings upang magamot ang mga ito at hindi na makahawa pa lalo na ang kanilang mga kasama sa kanilang bahay. “May mga target na binibigay ang Department of Health sa bawat local government unit (LGU) para hanapin, sugpuin at gamutin ang TB.” Ang TB ay nakamamatay na sakit na dahilan ng bacteria na may scientific name na Mycobacterium Tuberculosis. Dulot ito ng masasamang bisyo tulad ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, mahinang katawan at ng maduming kapaligiran.

Ito ay madaling gamutin kung maaagapan at regular na umiinom ng gamot ang pasyente. Bukod sa mga gamot mula sa DOH, bumibili din ang CHO ng mga supplies na hindi maiiprovide ng national government upang makatulong sa layunin na makamit ang TB- free Philippines.

Isa pang karangalang nakamit ng Batangas City ay ang pagkakaroon ng Provider- Initiated Counselling and Treatment. Ang counseling ay ginagawa bago ang gamutan upang maihanda at mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga pasyente at maiwasan ang “stigma” ng pagkakaroon ng sakit na TB. Sinisiguro din nito na maiwasan ang posibilidad na ang isang TB patient ay magkaroon ng HIV.

Ayon sa CHO chief, makakatulong ang kanilang kampanya laban sa TB sa kanilang layuning mapababa ang mga kaso ng STD/HIV/AIDS.

Napili naman ang Barangay Health Worker mula sa Malitam na si Mary Jane Delica bilang “Best Treatment Partner” sa pagpapatupad ng National Tuberculosis Control Program .Ang sipag at pagmamalasakit sa kanyang mga pasyente ang mga katangiang taglay niya kung kayat siya ang napiling tumanggap ng pagkilala.

“Kapag ang isang pasyente ay may TB, kinakailangan niyang sumailalim sa anim na buwang gamutan. Tutok Gamutan ang tawag sa unang dalawang buwan kung saan kinakailangan na pumunta araw -araw sa Health Center upang uminom ng gamot ang pasyente,”sabi ni Barrion. Kada linggo naman ang pagpapainom ng gamot sa susunod na apat na buwan. Kada dalawang buwan ay ineeksamin ang pasyente upang malaman kung positibo pa din o negatibo na ito sa TB. Ganap nang magaling sa TB ang pasyente pagkatapos ng anim na buwan.

Nanawagan si Barrion sa mga mamamayan na possibleng may TB na bumisita sa pinakamalapit na health center upang maagapan at magamot ang kanilang karamdaman. (PIO Batangas City)