Job fair idinaos para sa 1st batch ng senior high school students

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

Binigyan ng pagkakataong makapagtrabaho ang mga unang magtatapos sa senior high school sa lungsod ngayong taon sa pamamagitan ng job fair ng Public Employment Service Office (PESO) at Department of Education, na ginanap sa Batangas City Sports Coliseum ngayong March 23.

May 24 local companies at isang international company ang lumahok sa tinaguriang Handog ni Mayor Beverley: Trabaho para sa mga Senior High School Students.

Ipinabatid ni PESO Manager Noel Silang na may 1,271 SH students mula sa mga pampubliko at pribadong high schools sa lungsod ang dumagsa sa naturang job fair kung saan 174 ang na hired on the spot base sa kanilang kwalipikasyon at kakayahan.

Ayon sa mensahe ni Mayor Dimacuha: “Ang pagtatapos ay pagtawid sa isang yugto ng buhay patungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap. Ang job fair na ito ay pagpapadama ng tapat na pagkalinga at pagtiyak na tama ang landas na tatahakin ng naturang mga kabataan. Hangad kong maging kapaki-pakinabang silang myembro ng lipunan.”

Ipinaabot ni City Schools Division Superintendent Donato Bueno ang kanyang pagbati sa mga magsisipagtapos na mag-aaral sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si OIC-Asst Schools Division Superintendent Rhina Silva.

Pinayuhan naman ng kinatawan ni Director Predelma Tan ng Department of Labor and Employment ng Batangas Province na si Labor Employment Officer III Karl Joseph Sanmocte ang mga kabataan na gawing inspirasyon ang salitang Latin na “Magis” na nangangahulugan ng “philosophy of doing more for Christ and for others.”

Nagbigay naman ng career/employment coaching si Supervising Labor and Employment Officer Noel Silang.

Nagpahayag ng testimonial si John Phillip Serrano, Local Disaster Risk Reduction and Management Officer at isang EBD scholar kung saan hinikayat niya ang mga estudyante na mag aral ng mabuti. Malaki aniyang tulong ang scholarship program ng lungsod upang makamit niya ang kanyang pangarap sa buhay.

Ayon kina Adrian Mercado ng Paharang National HS at Angel Lyn Bagon ng University of Batangas , plano nila na magpatuloy ng pag-aaral at kumuha ng kursong Mechanical at Civil Engineering. Nais anila na magkaroon ng part time job habang bakasyon. (PIO Batangas City)