Groundbreaking ng water upgrading projects ng Prime Water at BCWD isinagawa

  1.jpg 2.jpg

Isinagawa ng Prime Water at Batangas City Water District (BCWD) ngayong March 23 ang groundbreaking ceremony para sa construction ng New Deep Well sa Brgy. Balagtas at Pipe Laying sa Jose P Laurel Highway mula Alangilan hanggang Kumintang Ilaya upang mapalakas ang water supply sa mga service areas nito lalo na sa panahon ng tag-init at mapalawak ang coverage area.

Ang deep well sa Balagtas ay magpapalakas ng pressure at water availability para sa benepisyo ng 12,000 concessionaires ng Balagtas, Bolbok at Sta. Rita. Ang 2,267- meter pipe laying ng 300mm at 200mm- diameter pipe sa Jose P, Laurel Highway na bahagi ng Total Pipe Rehabilitation ay magpapalakas ng tubig para sa 7,000 concessionaires ng Alangilan at Kumintang Ilaya.

Bukod sa hangaring madagdagan ang water availability, layunin din ng proyektong ito na mabawasan ang non- revenue water o water leakage.

Ang groundbreaking ay pinangunahan ni Mayor Beverley Rose Dimacuha kasama ang Prime Water Infrastructure President Fe Rebancos, BCWD General Manager Yolanda Oyao, BCWD Board of Directors Virginia Leyesa at Steve Buan, Prime Water Batangas City Branch Manager Chelton Arias at si Balagtas Barangay Captain Cynthia Culla.

Matatandaan na simula noong March 1, nasa pamamahala na ng Prime Water Corporation ang water services ng BCWD bunga ng Public Private Partnership(PPP) ng dalawang parties. Ito ay para sa upgrading at rehabilitation ng water system sa lungsod at sa pagtatayo ng isang septage management facililty na wala ang lungsod bilang pagsunod sa Philippine Clean Water Act of 2004. Ang mga measures na ito na hindi kayang gastusan ng BCWD ay popondohan ng Prime Water ng P4.6 bilyon.

“Walang magiging pagtaas ng taripa sa loob ng dalawang taon. Sa 2020, ang 12% na value added tax (VAT) lamang ang sisingilin sa mga konsumidores,” sabi ni Arias.

Hihilingin nila ang tulong ng Sangguniang Panglungsod na makapagpasa ng ordinansa sa pagtatayo ng septage management service na ekslusibong gagamitin ng lungsod.

Ayon kay Arias, stable at maayos ang kanilang operasyon simula nang ng i take over nila ang BCWD. Kung dati aniya ay mga security guards ang nagbabantay sa kanilang mga pasilidad, ngayon ay mga operators na. Kumuha na din sila ng contractor upang magsagawa ng repair.

Mula sa 234 empleyado, 106 na lamang ang natira habang ang mga umalis ay nag availed ng early retirement. Mula 81 job order employees ay 53 na lamang ang natira. Bagamat marami ang nawalang personnel, hindi naman naapektuhan ang kanilang operasyon at patuloy ang kanilang hiring para sa mga bakanteng posisyon. Mayroon silang tatlong dibisyon ngayon: ang technical, commercial at administrative.

Unti-unti na rin ang ginagawa ang computerization ng control system sa lahat ng pumping stations.

Hinggil sa illegal connection, mayroon silang team na nagbabantay at nagmomonitor nito sa umaga at gabi. Identified nila ang mga lokasyong ito ayon pa rin kay Arias. Nakipag-coordinate na rin sila sa DPWH hinggil sa tamang standard ng restoration ng mga kalsada sakaling magkaroon sila ng mga repair. Naglagay sila ng tao na tututok sa quality assurance at quality control nito.

May 40,000 ang sineserbisyuhan ng BCWD sa lungsod simula February 2018. (PIO Batangas City)