Mas magandang serbisyo ng EBD health card tinalakay

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Nagkaroon ng pakikipagpulong ang EBD Health Card Program committee sa mga katuwang na ospital nito noong February 6 upang talakayin ang mga bagong benepisyo ng programa at mga issues at concerns sa mga partner hospitals upang higit na maisaayos ang serbisyong medikal na ipinagkakaloob sa mga cardholders.

Ayon kay City Health Officer Dr. Rosanna Barrion, ang bagong benepisyo ng city health card para sa holder nito ay babayaran na rin ang gastos ng pasyente kung siya ay gagamutin sa emergency room (ER) ng ospital ng hindi ng kailangang i-confine.

Sasagutin din ng programa ang gastos sa CT Scan, 2D Echo, EEG, MRI o anumang procedure na kailangang gawin bago i-confine ang pasyente, kailangan lamang na kumuha muna ng referral o approval sa City Health Office (CHO).

Tiniyak naman ng mga opisyal ng mga ospital na bibigyang aksyon ang reklamo ng ilang pasyente ukol sa mga supladang mga nurses at hospital staff.

Ipinaabot rin ng mga opisyal na patuloy ang kanilang pagsasaayos ng pasilidad ng ospital at pagbili ng mga bagong gamit upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente.

Ayon kay Batangas Medical Center (BATMC) Director Dr. Ramoncito Magnaye, bagaman at napakarami ng pasyente sa BATMC ay ginawa nila ang lahat ng paraan para higit na mapabilis ang kanilang serbisyo. Lahat aniya ng proseso dito ay dokumentado at lahat ng hospital staff ay may tamang orientation sa kanilang tungkulin. “Nais naming ma-satisfy ang mga stakeholders at prayoridad namin ang mga pasyente, patients’ safety first, all the paperworks to follow,” dagdag pa ni Dr. Magnaye.

Nagpapasalamat naman si Dr. Moy Rosales, Medical Director ng Golden Gate Hospital at ipinagtuwang sila ng pamahalaang lungsod sa EBD Health Card Program. Sinabi rin niya na patuloy ang pagsasaayos ng pasilidad ng ospital kung saan may aircondition na ang mga EBD rooms.

Natutuwa naman si Jesus of Nazareth Medical Director Dr. Libio Macatangay ang ganitong pagpupulong para ma-update at magkaroon ng consultation para higit na mapa-unlad ang serbisyo ng programa. Aniya, kaisa ang Jesus of Nazareth sa hangarin nito na makapagbigay ng medical services sa mga mahihirap na residente ng lungsod. “Ready ang Nazareth i-extend ang mga serbisyo hangga’t kaya. Kung may mga reklamo sa behavior ng consultants ay ipaalam lamang sa akin, dahil dapat tayo ay baitan, dahil tayo ay pamilya,” sabi pa ni Dr. Macatangay.

Labis naman ang pasasalamat ni City Health Officer Dr. Rose Barrion at naging bukas ang ospital sa pagbibigay at pagtanggap ng mga komento lalo’t higit sa paglilinaw ng mga isyu para higit na mapaganda ang serbisyo ng EBD Health card Program. Hangad ni Dr. Barrion ang marami pang taon ng maayos na pakikipagtuwang sa tatlong ospital na ito. (PIO Batangas City)