Fire Prevention Campaign, higit na pinaigting ng BFP Batangas City

  fireprevention1.jpg fireprevention2.jpg fireprevention3.jpg fireprevention4.jpg fireprevention5.jpg

Sinabi ni Senior Inspector Glenn Salazar ng Bureau of Fire Protection(BFP) Batangas City na bibisita sila sa mga eskwelahan sa lungsod upang magsagawa ng information drive kasama ang kanilang official mascot na si Berong Bumbero at fire safety inspectors kaugnay ng paggunita ng Fire Prevention Month.

Tema ng nasabing okasyon ay “Buhay at Ari-arian ay Pahalagahan, Ibayong Pag-iingat sa Sunog ay sa Sariling Pamamahay Simulan.”

Sa unang linggo ng Marso, nagkaroon ang BFP ng Art Contest para sa mga elementary at highschool students. Ilan sa mga entries dito ay umabot sa provincial level competition . Isang Fun Run na tinaguriang “Takbo Laban sa Sunog” ang isinagawa sa Batangas City Track Oval noong March 4 na nilahukan ng 780 participants. 80% ng kinita ng Fun Run ay ipagkakaloob sa BFP Province upang magamit na pondo sa pagbili ng mga rescue equipment na magagamit bilang paghahanda sa pagdating ng “The Big One”.

Sa March 21 nakatakda ang Provincial Fire Olympics sa Sports Complex. Ang mga magwawagi dito ay ilalahok sa regional at sa national Fire Olympics.

Iikot naman ang apat na fire truck ng ahensya sa kalunsuran tuwing ikasiyam hanggang ikasampu ng umaga at ikalima hanggang ika-anim ng hapon upang magkaroon ng fire truck visibility at upang mag-anunsyo ng mga fire prevention tips.

Binigyang diin din ni Salazar na sa buong bansa ay isa ang Batangas City sa may mababang insidente ng sunog kada taon dahilan sa magandang programang ipinatutupad nila. Wala pa aniyang napatalang sunog sa taong ito.

Payo niya sa mga tao na iwasan ang electrical overloading lalo na sa pagpasok ng panahon ng tag-init sapagkat ito aniya ang isa sa mga pangunahing dahilan ng sunog. “Kailangang ipahinga ng dalawang oras ang electric fan o airconditioning unit kung maghapon o magdamag na ginagamit upang hindi mag-init. Siguraduhin din na i-unplug ang mga appliances kung hindi ginagamit at kung aalis ng bahay lalo na ngayong panahon ng Semana Santa” dagdag pa ng BFP chief.

Kinakailangan din aniyang bantayan ang mga niluluto sapagkat ayon aniya sa tala, karamihan ng mga kitchen fire ay nagaganap tuwing alas onse ng tanghali.

Ipinabatid din ni Salazar na nagwagi ng ikalawang pwesto sa City category bilang Best City Fire Station sa taong 2016 ang Batangas City BFP habang Best Junior Fire Officer naman sa buong bansa si Salazar. Tumanggap siya ng plake at medalya sa karangalang natamo mula sa National BFP. (PIO Batangas City)