Sektor ng agrikultura, tinututukan ng administrasyong Dimacuha sa panahon ng pandemya

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

Inatasan ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) na tutukan ang sektor ng agrikultura sa lungsod upang maibsan ang epekto ng pandemya sa kanilang kabuhayan.

Kaugnay nito, tinutukan ng OCVAS ang mga barangay na nakatuon sa pagtatanim at may malawak na lupang taniman upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain.

Patuloy ang OCVAS sa pagpapahiram ng mga traktora at iba pang kagamitan sa mga magsasaka. Tinutulungan din nila ang mga ito sa pag-aararo ng lupa gayundin sa iba pang paraan ng paghahanda sa lupang taniman.

Nagbibigay rin ang OCVAS ng mga online lectures at trainings sa mga corn at vegetable gowers sa paggamit ng makinarya para sa mas maalwang pagsasaka at upang matulungang mapadami ang ani ng mga ito. Namamahagi ang Crops Division ng mga butong pananim tulad ng talong, petsay, kamatis , cacao seedlings at iba pa sa kanilang mga walk-in clients.

Hinihikayat at itinuturo nila ang urban o backyard gardening para sa mga residente na may maliliit na espayong taniman sa kanilang lugar. Itinuturo naman ng mga agricultural technicians ang wastong paggamit ng mga organic fertilizer at soil conditioner para sa mas mabilis na paglago ng mga tanim na gulay.

Nakapagbigay din ang OCVAS ng mga gulay sa General Services Department (GSD) mula sa kanilang OCVAS EBD Farm. Ang mga gulay ay ginamit ng GSD sa kanilang mga inihandang pagkain para sa mga frontliners ng pamahalaang lungsod noong nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod.

Siniguro ng Veterinary Services Division ang mahigpit na implementasyon ng kanilang mga disease prevention and cintrol programs upang mapanatiling ligtas ang mga alagang baboy ng mga livestock raisers sa kabila ng banta ng african swine fever (ASF). Nagsasagawa sila ng disinfection sa mga livestock transport carrier upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit at mayroon ding online livestock at poultry animal health consultation. Regular ang isinasagawang meat inspection ng mga kinatay na baboy sa Batangas City Slaughter House gayundin ang monitoring at inspection ng mga karne sa mga palengke at iba pang business establishments.

Namahagi rin ang OCVAS ng broiler day old chicks para sa mga kwalipikadong beneficiaries sa lungsod (PIO Batangas City).