Talented kid sa Batangas City umaani ng awards sa modelling at dancing

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Isang pitong taong gulang na bata sa Batangas City ang gumagawa ng pangalan sa modelling at dancing kung saan ilang awards na ang kanyang nakamtan.

Siya ay si Justin Jacob Echano, grade 2 student ng Kumintang Ilaya Elementary School.

Sa larangan ng modelling, tinanghal siyang Mr Millenial 2018, Mr Kids Supermodel 2018 at naging 2nd runner up sa Mr Philippines Fashion Runway Edvher Collection.

Naitampok din siya sa Variety Entertainment, isang weekly entertainment trade magazine sa America. Sa unang pagkakataon, sasabak siya sa international modelling competition bilang bahagi ng Team Philippines 2019 na lalaban sa World Championships of Performing Arts (WCOPA) sa July 2019 sa California, USA.

Ayon sa kanyang ina, apat na taong gulang pa lamang ay nai-feature na si Justin bilang print ad model sa Don Cristobal fashion magazine. Ang kanyang panganay na kapatid ay isang ramp model habang ang kanyang bunsong kapatid na dalawang taong gulang ay isinasali na rin sa mga baby contests. Nais ni Justin na maging artista paglaki at maging sikat tulad ng idolo niyang si Inigo Pascual.

Bukod sa pagmomodelo, isa ring mahusay na dancer si Justin. Siya ay talent-student ng sikat na dance group na G-force sa kasalukuyan.

Nanalo siya bilang Outstanding Dancer and Model of the Asian Achiever 2018. At dahil sa kanyang mga achievements sa kanyang murang edad, binigyan siya ng Dangal ng Bayan 2018 ng Global Excellence Award. Nakapag uwi din siya ng titulo bilang Little Mr Citimart at Mr Jolly Bulilit ng Jollibee Batangas.

Sa ginanap na Search for That’s My Kab Scout 2018 ng Boy Scouts of the Philippines Batangas City Council na ginanap noong September 8 sa Batangas City Convention Center, tinanghal siyang 4th runner up.

Itinuturing niyang biggest break ang pagkakapili sa kanya bilang talent sa Promil I-shine TV commercial.

Muli niyang susubukin ang kanyang galing sa 100 Standout Kids Supermodel competition na gaganapin sa SM Skydome sa September 29.

Bagamat abala sa kabi-kabilang modelling contests, hindi aniya napapabayaan ang kanyang pag-aaral at may oras pa din siya upang makapaglaro.

Kinilala ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang mga karangalang nakamit ni Echano sa pamamagitan ng paggagawad ng Certificate of Recognition ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ngayong araw na ito, September 10, sa Amphitheater ng Plaza Mabini. (PIO Batangas City)