Buwan ng Wika ipinagdiwang

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg

BATANGAS CITY- Ipinagdiwang ng Cristo Rey Institute for Career Development (CRICD) ang Buwan ng Wika noong Agosto sa pamamagitan ng iba’t ibang kompetisyon.

Ayon kay Ed Borbon, president at school director ng CRICD, layunin ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na mas mapaigting pa ang paggamit ng wikang Filipino upang lubos na maipaunawa sa nakararami na wala nang mas hihigit pa sa sariling wika kung ito ay gagamitin sa matuwid at mabisang pagpapahayag o komunikasyon.

Nagdaos ng Lakan at Lakambini 2018 kung saan ang mga lumahok ay minarkahan sa mga sumusunod na pamantayan: Pilipinong Anyo, Kaakmaan ng Kilos at Gawi, Tindig at Tikas, Pagdadala ng Kasuotan at Pagdadala ng Sarili. Tampok din ang paligsahan ng pag awit ng solo at dueto, pag bigkas ng tula at dagliang pag talakay. Hinirang na Lakan at Lakambini ng Wika 2018 sina John Robert Ebora at Geraline Villena, Ms. Talent si Hannady Katpadi at Mr. Talent si Kairo Jim Marquez. Ang mga nanalo naman sa pag-awit ng solo ay si Levie Claus, sa dueto ay sina Louie Lyn Perez at Cristy Capundag, sa pagbigkas ng tula si Jiselle Dhe Vino at Faustino Leandro Ferrer para sa dagliang pagtalakay.

Ginunita rin ng CRICD ang Araw ng Pambansang Bayani at ang anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang ang CRICD ang isa sa mga accredited schools ng TESDA. (PIO Batangas City)