Isang public elementary school nabulabog na bomb threat

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Nakatanggap ng bomb threat ang Batangas City East Elementary School (BCEES) mula sa isang unidentified texter bandang 6:51 kaninang umaga kung kayat napilitan silang pauwiin na ang mga eskwela.

Ayon kay Catherine Lumanglas, kindergarten teacher sa naturang paaralan, una siyang nakatanggap ng text message kahapon, Septemer 3, bandang alas tres y medya ng hapon kung saan sinabi na “may sasabog sa likod ng kinder area malapit na, pauwiin nyo na ang mga bata”.

Nangilabot aniya siya at nakaramdam ng takot kung kayat agad niyang inireport ito sa Division Office. Naglibot ang ilang mga gurong lalaki at wala namang nakitang bomba. Mabuti na lamang aniya at nag-uwian na ang mga bata kahapon.

Isa na namang text ang natanggap ni Lumanglas kaninang umaga mula sa pareho ding numero na nagsasabing “malapit nang pumutok, pauwiin na ninyo ang mga bata, magiging dead kid capital ang BCEES”.

Kaagad niya itong inireport sa kinauukulan kung kayat nagdesisyon ang paaralan na pauwiin na ang mga mag-aaral. Wala aniya siyang kaaway upang makatanggap ng ganitong klaseng text.

Ayon naman sa Principal na si Leonila P. Bool, hindi nila maaaring ipagsapalaran ang kaligtasan ng kanilang mga mag-aaral kung kayat umaksyon sila kaagad. upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng SWAT Team na pinangunahan ni Team Leader SPO3 Jeremy Blanco at ng Investigation Division ng Batangas City PNP sa pangunguna ni SPO1 Doni Irvin Casayuran, upang magsagawa ng imbestigasyon. Hiningi din nila ang tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa mga bomb sniffing dogs nito. Pagkatapos mag-ikot, idineklarang clear sa bomba ang naturang paaralan.

Susubukan ng nasabing paaralan na i trace ang pinanggalingan ng text message upang mapanagot ito.

Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng paaralan sa maagap na pagresponde ng mga awtoridad at ng mga opisyales ng barangay na nakakasakop sa kanila. (PIO Batangas City)