Breastfeeding awareness month ipinagdiwang

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg

Nagsagawa ng Breastfeeding Symposium ang City Nutrition Division ng City Health Office sa Batangas City kung saan may 126 na mga ina ang sabay sabay na nagpasusuo ng kanilang mga anak sa Hakab Na activity bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Breastfeeding Awareness Month noong Agusto. Tema ng symposium ay “Pagpapasuso’y Pundasyon para sa Malusog at Mahabang Buhay ng Ina at Sanggol”.

Nagsalita rito si Konsehal Aillen Grace Montalbo na isang breastfeeding advocate. Ayon sa kanya, apat na taong gulang na ang kanyang bunsong anak subalit pinapasuso pa niya ito. Sinabi niya na siya ay natutuwa sa mga dumalong nagpapasusong ina sapagkat ang kanilang gatas ang pinakamagaling para sa kalusugan ng kanilang mga anak.

Sa kanyang lecture, sinabi ni City Nutrition Officer Luciana Manalo na dapat pasususuhin ang sanggol ng mula pagkapanganak hanggang dalawang taon.

Ang gatas ng ina aniya ay pinakamagaling sapagkat ito ay may kumpletong sustansya kayat mas malusog ang bata at malakas ang resistensya sa impeksyon, allergy at iba pang karaniwang sakit. “Ang batang pasuso ng ina ay mas matalino, matangkad, hindi sakitin, nakakapag-aral at mas malaki ang kita paglaki at kapag malulusog ang mga bata, mas mayaman ang bansa,” sabi ni Manal.

Makakagaling din ang breastfeeding sa ina sapagkat mabilis ang pagbalik ng dating laki ng bahay-bata, nababawasan ang pagdurugo pagkatapos manganak at nakakatulong din sa natural na pagpaplano ng pamilya kung tanging gatas lamang ng ina ang ipinapasuso sa unang anim na buwan ng sanggol. Nababawasan din ang panganib ng breast at ovarian cancer at nalalapit ang damdamin ng ina sa sanggol. Mas matipid pa at hindi na kailangang bumili ng gatas.

Ayon pa rin kay Manalo, pagsapit ng anim na buwan ng sanggol, mahalagang mabigyan siya ng complementary foods na nabibilang sa energy-giving (GO), body-building, (GROW), at body-regulating (GLOW) food groups. Gumamit din ng fortified foods.

Binigyang diin ang kahalagahan ng first 1000 days sa buhay ni baby kung saan nararapat ibigay sa kanya ang wastong pangangalaga upang siya ay lumaking malusog, normal at malakas.

Tinuruan din ang mga ina ng wastong pagpapasuso, pag-iipon ng gatas para ibigay sa sanggol kung nagtatrabaho ang ina, mabuting ehersisyo para sa suso at paraan ng pagpapasuso kung baligtad ang utong. (PIO Batangas City)