Road construction pinabibilis ng hindi makokompromiso ang kalidad

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Pinagsisikapan ng City Engineer’s Office (CEO) na mapabilis ang on-going construction ng mga kalsada sa poblacion subalit may mga ginagawa rin itong proseso upang maseguro na maayos ang kalidad ng mga proyekto.

Ito ang sinabi ni Asst. City Engineer Roy Marajas sa hearing ng Committee on Engineering and Public Works na pinamumunuan ni Konsehal Gerry Dela Roca ngayong August 30 upang kumustahin ang lagay ng mga ginagawang kalsada.

Noong nakaraang Martes sa lingguhang sesyon, ay binuksan ni Konsehal Armando Lazarte ang usaping ito sapagkat nagdudulot aniya ito ng mabagal na daloy ng trapiko lalo na sa parte ng Barangay Cuta.

Agad namang inirekomenda ni kagawad Julian Villena na ipasa ito sa Committee on Engineering and Public Works upang mapag-usapan ng maayos ang isyung ito.

Ayon kay Marajas, magkakaroon ng pagpupulong ang kanilang tanggapan at ang mga contractors upang ma-fast track ang lahat ng mga pagawaing bayan. Mayroon din silang isasagawang evaluation upang madetermina kung sino ang mga contractors na hindi sumusunod sa mga pinagkasunduan at mabigyan sila ng kaukulang aksyon.

“Ang time frame po ng lahat ng pagawain natin ay ibinase namin sa regular na oras pagta-trabaho ng ating mga tao. Nagsimula na rin po kami na magtrabaho sa gabi upang mapabilis na matapos lalo na ang mga karsada. Nagkakaroon lamang po tayo ng mga delay dahil sa kasamang ginagawa ang mga drainage at kung malakas ang buhos ng ulan,” sabi ni Marajas.

Hindi din nila pinapayagan na magbuhos ng semento “kung mayroong kritikal na trabaho at kung walang kaharap na representatives mula sa CEO. Ito ay upang masiguro na maayos at matibay ang ginagawang mga karsada natin,” dagdag pa ni Marajas.

Sinabi rin niya na ang ginagawang kalye sa may kahabaan ng barangay Cuta ay hindi maayos ang base kung kaya’t ito ay nagtatagal magawa. “Hindi po tayo basta-basta makapag-buhos dahil nagpuputik ang base nito. Kinakailangan pang mag-secure ng pouring permit mula sa CEO para masiguro na 100% ang compaction at matibay ang ilalim nito.Kung mamadaliin natin, baka ilang buwan pa lamang sira-sira na ulit ang karsada. Sayang naman kung magkakaganoon lamang,” binigyang diin ni Marajas.

Hindi naman ikinatuwa ni Councilor Serge Atienza ang hindi pagdalo ng mga inimbitahang mga kontraktor.

“Nakakalungkot isipin na hindi yata nila pinahahalagahan ang imbitasyon ng Sangguniang Panglungsod. Ipinaaalala natin sa kanila na may karapatan ang CEO na palitan o alisin ang mga contractors na hindi pulidong gumawa. Sana ay maiparating po ninyo ito sa kanila at sa susunod naming pagimbita, makadalo na silang lahat,” sabi ni Atienza.

Dumalo rin sa hearing sina Konsehal Julian Villena, Armando Lazarte, Oliver Macatangay, Nelson Chavez, Aileen Montalbo, Karlos Buted, at Allysa Cruz-Atienza.(PIO Batangas City)