Dayalogo sa mga barangay hinggil sa kanilang mga basura muling isinasagawa

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Nagsimula na ang Enforcement Committee ng Batangas City Solid Waste Management Board (SWMB) sa pagsasagawa ng information, education and communication campaign sa mga barangay officials ukol sa nakatakdang istriktong implementasyon ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Ito ay sinimulan kahapon, August 28 sa San Isidro covered court kung saan dumalo ang 19 na Upland barangays.

Nakasaad sa RA 9003 na ang mga barangay ang may responsibilidad sa pangangasiwa ng kanilang mga basura.

Ang Enforcement Committee na pinamumunuan ni PSupt Sancho Celedio bilang chairman ay kinatawan ni PCI Apolinario Palomino kung saan ipinaliwanag niya ang mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation sa bawat tahanan, pagbabawal sa paggamit ng plastic labo, linaw at sando bag, mga paglabag sa batas kagaya ng pagtatapon ng mga basura sa kanal, ilog, dagat at iba pang mga alintuntunin.

Ayon kay Palomino, nakatakdang magsimula ang monitoring sa mga barangay sa October 1 bago ang striktong implementasyon nito. “Magbibigay din po kami ng citation tickets sa inyong barangay enforcement committee, para kayo po mismo ang sisita sa mga kapitbahay ninyong lumalabag dito. Kung hindi ninyo po kayang tiketan ang inyong kabarangay, maari po ninyo kaming tawagin,” sabi ni Palomino.

Kasama rin sa Enforcement Committee ang Defense and Security Services, Transportation Development and Regulatory Office (TDRO) at Public Information Office.

Hiniling ni City Environment and Natural Resources Officer Oliver Gonzales na muling maging aktibo ang barangay SWMB. Ipinabatid niya na nagsasagawa rin ng monitoring ang Solid Waste Education and Enforcement Team (SWEET) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga barangay bilang bahagi na mas maigting na pagpapatupad ng batas. “Kinukunan po ng picture ng SWEET ang mga paglabag sa isang barangay, kagaya ng tambak na basura at deretso na agad sa head office ang report, at posibleng ipatawag ang LGU. Ilan na pong LGUs at mga local officials ang may kinakaharap na kaso kaugnay nito,” pagdidiin ni Gonzales.

Sinabi naman ni General Services Department Officer at chairman ng Technical Working Committee, SWMB, Joyce Cantre na ayusin muli ang MRF sa mga barangay at pag-uusapan din ang araw ng hakot ng mga residual wastes dito.

Isasagawa ang ganitong dayalogo sa mga barangay officials ng iba pang cluster sa mga susunod na araw. (PIO Batangas City)