Barangay chairmen at tanod sumailalim sa seminar sa gun safety

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

BATANGAS CITY- Dahilan sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maarmasan ang mga barangay chairpersons at barangay tanod para sa kanilang proteksyon, sumailalim ang mga ito sa Gun Safety and Comprehensive Law Seminar ng Batangas Rifle and Piston Group Inc. (BRPG).

Ayon kay Rainier Untalan, secretary ng BRPG, malaking bagay na mayroong baril ang mga barangay chairmen at tanod dahilan sa sila ang nasa frontline at kailangan nilang proteksyonan ang kanilang sarili at ang komunidad lalo na yuong mga barangay na malayo sa bayan na hindi kaagad marespondehan ng kapulisan kung may krimen.

Ipinaliwanag sa seminar na kailangan munang sumailalim sa gun safety seminar ang isang gun owner bago makakuha ng lisensya. Responsibilidad din ng gun owner na matutunan ang tamang paraan ng safekeeping ng baril, tamang pag hawak at tamang pag dadala nito.

Sinabi rin ni Untalan na nakasaad sa batas na kapag ikaw ay gun owner, required ang pagkakaroon ng safety vault sa bahay upang pagtaguan ng baril. Kailangang itago ang baril saan mang ligtas na lalagyan na hindi basta makikita o makukuha lalo ng mga bata. Ito rin ay dapat nakalagay sa holster kapag dala at hindi basta nakasuksuk sa baywang o sa tagiliran. Dapat ding ang baril ay laging naka lock at walang bala kung hindi dala.

Ayon kay Danny Kalaw, gun instructor at International range officer ng BRPG, ang pagdadala ng baril ay hindi para sa pansariling kapakanan lamang kundi dapat maging maingat at marunong sa paggamit nito. Ipinaliwanag din niya ang batas, violations at penalties na kahaharapin ng isang gun owner kung ito ay lalabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act”. Pagkatapos ng seminar ay actual na nag practice ng shooting ang mga participants sa firing range sa Gulod Labac.(PIO Batangas City)