Delegasyon mula sa Cebu inalam ang PPP program sa Batangas City

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Bilang ang Cebu ang isa sa mga mauunlad na probinsiya sa Pilipinas, isang malaking karangalan sa Batangas City na magstudy tour dito kahapon, August 21, ang delegasyon ng Carcar City, Cebu upang pag-aralan ang public private partnership(PPP) project nito sa Grand Terminal at iba pang best practices ng lungsod.

Kabilang sa delegasyon ang ilang mga miyembro ng kanilang Sangguniang Panlungsod, department heads at barangay captains.

Ayon sa kanila, interesado si Carcar City Mayor Nicepuro Apura na malaman ang PPP ng pamahalaang lungsod ng Batangas sa Batangas Ventures Properties and Management Corporation (BVPMC) na syang nangangasiwa sa Grand Terminal. Nais din niyang mag benchmark sa mga programa at proyektong ipinatutupad sa Batangas City, na pwede nilang i adopt kung ito ay makakatulong sa ibayong kaunlaran ng kanilang lungsod.

Napili ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Grand Terminal bilang isa sa Top 10 Best PPP projects ng isang local government unit sa buong bansa noong nakaraang taon.

Nagkaroon ng isang orientation program kung saan tinalakay ni City Administrator Narciso Macarandang ang malaking papel na ginagampanan ng PPA sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyektong pangkaunlaran sa Batangas City.

Binigyan niya ang delegasyon ng kopya ng ordinansang tungkol sa PPP na akda ng dating konsehal na si Congressman Marvey Mariño. Ipinaliwanag niya na nakapaloob sa ordinansa na ang PPP ang madaliang tutugon sa mga pangangailangan ng komunidad ng hindi na kailangan pang maghintay kung kailan magkakaroon ng pondo o pinansyal na kakayahan ang pamahalaang lungsod upang gastusan ang isang proyekto.

Nagtungo din ang grupo sa Batangas City Grand Terminal kung saan binigyang diin ni Cecile Mendoza, officer in charge ng BVPMC, ang magandang ugnayan nila sa pamahalaang lungsod kung kayat nagiging matagumpay ang naturang proyekto.

Ang Carcar City ay fourth class component city sa lalawigan ng Cebu at may populasyon na 119,664. Ito ay binubuo ng 15 barangay. Pangunahing ikinabubuhay dito ay shoemaking, blacksmithing at chicharon production.

Laking pasasalamat ng delegasyon kay Mayor Beverley Rose Dimacuha sa malugod na pagtanggap sa kanila. Nagbigay si Mayor Dimacuha ng simple tokens bilang pasasalamat sa kanilang pag bisita.

Narito rin ang ilan sa mga myembro ng PPP Selection Committee ng Batangas City na sina City Legal Officer Teodulfo Deguito, City Planning and Development Coordinator Januario Godoy at Supervising Administrative Officer Manolo Perlada. (PIO Batangas City)