Bike patrol ng pulis palalakasin

  1.jpg

Muling ilulunsad ang proyektong “bike patrol” ng Batangas City Police sa ika-30 ng Agosto sa Amphitheater ng Plaza Mabini upang mapalakas ang police visibility sa layuning maiwasan ang kriminalidad sa lungsod.

Ayon kay Pol. Supt. Sancho Celedio, ang naturang relaunching ay kaugnay ng pagdiriwang ng kauna-unahang Police Service Day sa lungsod bilang paggunita naman ng ika-117th Police Service Anniversary ngayong buwan ng Agosto.

Ang bike patrol ay isang section na binubuo ng dalawang teams. Sampung refurbished mountain bikes ang gagamitin ng mga kapulisan na nagvolunteer ng extra duty hours.

Itatalaga sila malapit sa campus areas sapagkat mga estudyante aniya ang madalas na nabibiktima ng masasamang loob base sa kanilang namonitor sa social media at hindi na napapaulat dahil natatakot sila na magreport.

“Even before the launching, we’ll make sure that we will be felt in the streets. Iba pa rin na nararamdaman ng mga tao ang kapulisan lalo na sa mga oras na kailangan kami lalo kapag labasan sa eskwelahan ng mga estudyante at paglabas sa opisina ng mga nagtatrabaho,” sabi ni Celedio.

Hihilingin niya na ang naturang programa ay ma-institutionalize sa pamamagitan ng Local Anti Crime Action Plan (LACAP). Ito ay ipi presenta sa Sangguniang Panglungsod upang magpalit man ng hepe o bikers ay makakakuha pa din ito ng suporta.

Nagpaabot ng suporta sa bike patrol team sina Councilor Armando Lazarte at ABC President Dondon Dimacuha. Inaasahan nila na sasailalim sa pagsasanay ang bike patrol team upang matutunan ang ibat-ibang intervention technique.

Maglalagay din ang Batangas City PNP ng “blue box” na magsisilbing suggestion box kung saan maaaring maglagay ng mahahalagang impormasyon ang publiko hinggil sa mga drug- related incidents o crime activities. “This is one way to increase crime reporting business and to measure the level of confidence of the citizens in the Batangas City Police,” dagdag pa ni Celedio.

Maaari din aniyang magtext sa kanilang hotline at social media accounts o tumawag sa kanilang tanggapan.

Sa August 30 ang turn over ng logistical equipment mula sa kanilang stakeholder partners tulad ng Hyundai van mula sa pamahalaang lungsod at isang pick up mula sa Bureau of Customs na magagamit nila sa pagresponde sa mga disaster at sa iba pa nilang operasyon.

Tumanggap din sila ng 10 breath analyzers na magagamit nila upang patunayan sa korte ang kaso ng mga intoxicated drivers. Ang pagmamaneho ng lasing ang pangunahing dahilan ng mga traffic accidents sa lalawigan. Highlight din ng okasyon ito ang pag-uulat ng accomplishment ng “men and women” of Batangas City PNP at pagkakataon upang mapasalamatan ang kanilang mga stakeholders.

Ipinagmalaki ni Celedio na noong nakaraang buwan, naitala ang pinakamababang crime incident kung saan dalawang insidente lamang kada linggo ang napaulat.(PIO Batangas City)