Teen pregnancy at iba pang issues tinalakay sa Linggo ng Kabataan symposium

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Tumataas na bilang ng teen pregnancy, substance abuse at sexually transmitted infection kasama na ang Human Immuno Deficiency Virus (HIV) ang mga issues na kinakaharap ng mga kabataan sa Batangas City.

Ito ang sinabi ni Dr. Allen Santos, medical officer 1V ng City Health Office (CHO) sa may humigit kumulang na 200 Sangguniang Kabataan officials at mga piling junior at senior high school students mula sa ilang public at private schools na dumalo sa Linggo ng Kabataan 2018 event ngayong araw na ito, August 20, sa Teachers Conference Center. Ang pagdiriwang na may temang “Empowering the Youth to Build newly improved Development Programs” ay isinagawa ng Sangguniang Kabataan Federation ng Batangas City.

Ayon kay Dr. Santos, isa ang Batangas City sa may mataas na insidente ng teen pregnancy at may pinakamadaming kaso ng HIV infection sa Batangas Province kung kayat malaki ang maitutulong ng SK kung ito ay makikipagugnayan sa City Health Office hinggil sa mga programang ipinatutupad nito upang masolusyunan ang mga nabanggit na mga problema.

Ipinabatid niya na 2016 pa ng ilunsad ng CHO ang Adolescent Health Development Program upang tugunan ang problema sa teen pregnancy. Sa pamamagitan ng proyektong ito, mga teen health kiosks ang itinayo sa Batangas National High School, Lyceum of the Philippines Batangas at Batangas State University upang matulungan ang mga kabataan na magkaroon ng kaalaman tungkol sa sekswalidad at reproductive health. May mga teen health kiosks na rin ngayon sa Libjo National High School at Tingga Itaas, Sorosoro Ilaya and Sorosoro Ibaba National High School . May mga estudyante ring sinanay ang CHO upang maging peer educators na naatasang magpalaganap ng awareness tungkol sa teen pregnancy at personal na tumulong sa mga kabataang nangangailangan ng guidance. Bago ito, nagsalita si Dr. Nickie Boy Manalo, asst. director, Institutional and Industry Services ng Batangas State University, tungkol sa mahahalagang probisyon ng SanggunianKabataan Reform Act of 2015 habang nagbigay ng mensahe si Administrative Officer V Manolo Perlada bilang kinatawan ni Mayor Beverley Rose Dimacuha kung saan binigyang diin niya ang kahalagahan ng nasyonalismo sa mga kabataan.

Ayon naman kay SK Federation President Marjorie Manalo, bukod sa teen pregnancy at iba pang issues sa kabataan, pagtutuunan din ng pansin ng SK kung papaano mabibigyan ng livelilhood at education ang mga kabataang nangangailangan ng ganitong tulong. Angela J. Banuelos PIO Batangas City