Insurance para sa mga magsasaka ipinagkaloob ng Dept. of Agriculture

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Pinagkalooban Department of Agriculture ng insurance ang may 169 magsasakang miyembro ng Batangas City Vegetable Growers Association Inc. kasama na rin ang kanilang mga pananim at iba pang agricultural assets bilang proteksyon sa sektor ng agrikultura sa lungsod.

Ang naturang insurance ay bunga ng pakikipagtuwang ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) sa Department of Agriculture (DA) at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Inilunsad ito sa 12th Annual General Assembly ng Batangas City Vegetables Growers Association Inc. noong March 22 sa OCVAS Research Training Center.

Ang naturang insurance ay ipinagkaloob ng libre sa mga mag-sasaka kung kaya’t wala silang babayarang monthly premium. Covered nito ang mga pananim na masisira dahil sa mga kalamidad kagaya ng bagyo, baha, tag-tuyot at iba at sa sakit sa halaman at peste.

Ang iba’t ibang pananim, livestock at iba pang agricultural products ay may magkakaibang insurance coverage ayon sa guidelines ng PCIC Ang mga magsasaka naman ay covered ng Agricultural Producers Protection Plan at Accident and Dismemberment Security Scheme sakaling sila ay mamatay o magkaroon ng permanent disability dahil sa aksidente, natural na kadahilanan at iba pa. Ayon kay City Veterinarian Macario Hornilla, binibigyang proteksyon ng administrasyon ni Mayor Beverley Dimacuha ang sektor ng agrikultura sa lungsod at patuloy itong pina-uunlad sa kabila ng pagiging industriyalisado ng Batangas City. “Ang Batangas City ay pwedeng ipantay sa Baguio, pwede ditong mag grow ng maraming halaman at prutas, na nabibili sa Benguet at hindi rin tayo gaanong dinadaanan ng kalamidad,” dagdag pa ni Hornilla.

Hiniling ni Hornilla sa nasabing samahan na pagyamanin ang lupang taniman at makinabang sa mga programa ng pamahalaan at hikayatin aniya nila ang kanilang mga anak na kumuha ng kurso sa agrikultura.

Ang Batangas City Vegetables Growers Asso. Inc. ay pinamumunuan ng pangulo nito na si Victor Malibiran. Ito ay tumanggap na ng iba’t ibang pagkilala sa larangan ng agrikultura sa lalawigan at ngayon ay nominado sa Outstanding Farm Group sa Gawad SAKA Region IV. Ang kasapi nito na si Monte Manalo ay nominated din bilang Outstanding Farmer- High Value Crop (vegetable) at ang pamilya ni Malibiran bilang Outstanding Farm Family. (PIO Batangas City)