Operation Greyhound walang nakitang illegal drugs sa Batangas City Sico Jail

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

BATANGAS CITY- Walang nakitang ilegal na droga sa San Jose Sico Jail ng gawin dito ang “Oplan Grayhound Galugad” ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)STAR Team Calabarzon at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 Team na naglalayong buwagin ang paggamit at pagbebenta ng droga sa kulungan. Mahigit 800 inmates ang pansamantalang pinalabas sa kani-kanilang selda at pinagsama-sama sa basketball court ng simulan ang operasyon bandang 6:00 ng umaga.

Ang mga selda ay pinasok nila CINSP Manuel T. Villas Jr, city jail warden, at PDEA K9 Team na binubuo nila Agents Ronaldo Delas Alas at Junard Hinacay at K9 Officers Reynaldo Maramag at Federico Licuanan dala ang dalawang K9 dogs. Nagsilbing guwardiya ang mga taga BJMP STAR team. Sinabi ni Villas Jr., nais niyang maging Zero- Drug facility ang Sico. Nauna ng isinagawa ang Oplan Grayhound dito ng Philippine Coast Guard K9Team at PDEA noong October 21 kung saan wala ding nakitang droga. Walang anumang ipinagbabawal na kontrabando o paraphernalia ang nakuha ng grupo.

Ayon kay Villas Jr, mandato ng BJMP na tiyaking walang kontrabando nangunguna na ang ipinagbabawal na droga na naipupuslit o nadadala sa loob ng kulungan. “Kung sakaling may makikita tayo ngayon na mga small items lamang tulad ng blade, toothbrush, pako, ballpen o ibang matutulis na bagay, Â ito ay considered natin as contrabands, in the sense na yan ay pwedeng makapanakit sa mga inmates natin. Pagdating naman sa ilegal na droga ay wala naman tayong nakumpiska, so walang illegal na droga dito sa Sico Jail.” dagdag pa ni Villas. Wala ding nakitang anumang ipinagbabawal na kontrabando o paraphernalia. Nilinaw niya na dinidisiplina ang mga inmates at visitors kaya walang nakakapagpuslit o nakakapagdala ng mga iligal sa kulungan. Maging ang pag buo ng mga gang sa piitan ay kontrolado ng kaniyang mga tauhan.

Sa panayam sa isang inmate na si Avenier Seballo, assistant mayor ng selda 3, 39 years old, tubong Cebu, at mahigit na dalawang taon na sa kulungan sa kasong acts of lasciviousness, nagustuhan niya ang pamamalakad ng jail warden. Aniya, kahit tumaas ang bilang na mga nakakulong, isang pamilya ang turingan nila sa loob kaya lubos ang kanilang suporta sa hangarin ni Villas na maging zero-drug facility ang Sico Jail.

Samantala, kaugnay ng pagdiriwang ng Correctional Consciousness Week ngayong Oktubre, ibat-ibang activities ang isinagawa para sa mga inmates tulad ng mga sports kagaya ng basketball, chess at dama. Mayroon ding values formation seminar, HIV seminar at family planning. Upang magkaroon ng higit na kasayahan, magdadaos din ng Search for Ms. Gay.

Bibisita naman ang mga lawyers ng Public Attorney’s Office upang gumawa ng one-on-one consultation sa mga preso tungkol sa kanilang mga kaso. Nagbigay din ang pamahalaang lungsod ng mga noodles, drinks, damit, shampoo, at sabon sa mga inmates. (PIO Batangas City)