TB-free Batangas City layunin ng CHO

  TB2free.jpg TBfree1.jpg TBfree3.jpg

BATANGAS CITY-Ngayong ipinagdiriwang ang Lung Month, payo ng City Health Office(CHO) sa mga may sakit na tuberculosis na huwag matakot at mahiya sapagkat ito ay nagagamot.

Nagdaos ng TB Congress ang CHO kung saan may 40 pasyente na ginagamot ng nasabing ahensya ang lumahok upang pag-ukulan ng pansin ang kanilang sakit. Ang mga ito ay tuloy tuloy na ginagamot ng CHO hanggang gumaling sa pamamagitan ng TB DOTS o Directly Observe Treatment Short Course program. Inaaabot ng hanggang walong buwan ang gamutan ng isang TB patient. Sa programang TB-DOTS, merong partner na doctor sa CHO ang isang pasyenteng may tuberculosis at araw-araw, binabantayan niya yung pasyente sa pag-inom ng gamot.

Sinabi ni Dra. Grace Alegre, national TB coordinator, "maganda ang naging resulta ng TB DOTS sa pagbawas ng kaso ng tubertculosis sa lungsod. Pinapaintindi namin na importanteng uminom ng gamot araw-araw... Wag po silang hihinto sa gamutan, tuloy-tuloy, dere-deretso, araw-araw iinom ng gamot. At libre naman po," dagdag pa ni Alegre.

Ayon naman kay Dr. Ian Calingasan, dapat hindi balewalain ang ganitong sakit dahil ito ay madaling makahawa subalit nagagamot at maiiwasan. Dapat lamang agad mag pakunsulta sa doctor pag nakaramdam ng symptoms tulad ng lagnat, ubo, mahirap huminga, nanghihina at bumabagsak ang pangangatawan. Idinagdag pa niya na hindi ito namamana kundi ito ay dulot ng isang bacteria na tinatawag na mycobacterium tuberculosis na palutang lutang sa hangin at pwedeng makaapekto sa mga taong mahina ang resistensya ng katawan kung saan ang naaapektuhan ay baga.

Upang maiwasan ang nakakahawang sakit na ito, payo ng mga doctor na kumain ng masustansyang pagkain, mag ehersisyo , maging malinis sa kapaligiran at magkaroon ng magandang bentilasyon o pagpasok ng sariwang hangin sa tahanan.

Layunin ng CHO na mahanap, sugpuin at pangalagaan ang mga may tuberculosis upang maging TB-free ang lungsod. (PIO Batangas City)