SM at BATMC naging handa sa lindol dahil sa earthquake drill

  earthquakedrill1.jpg earthquakedrill2.jpg earthquakedrill3.jpg

Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng SM City Batangas sa mga isinagawa nilang earthquake drill sa pakikipag-ugnayan sa City Disaster Risk Reduction and Management Office(CDRRMO) kung kayat naipakita nila ang kahandaan sa nangyaring 5.4 magnitude na lindol bandang alas nuwebe kagabi, April 4.

Ayon kay Assistant Mall Manager Gemina Buenaflor, ang huling drill na isinagawa nila ay noon lamang ika-31 ng Marso. Bagamat, nag-automatic shut off aniya ang kanilang mga escalator at nakita nila ang takot sa kanilang mga customers, nagawang mai-assist ng kanilang Emergency Response Group (ERG) ang mga ito.

Sa loob ng limang minuto, lumabas ng maayos ang may 722 katao kabilang ang mga empleyado, tenants at customers sa lahat ng exit ng mall at kaagad nagtungo sa parking space na syang itinalagang lugar bilang evacuation center.

“Nakakatuwa na nagamit namin ang aming natutunan sa drill, may presence of mind at alert ang mga tao. Kaya we made sure that all our employees are well accounted for,” sabi ni Buenaflor.

Napag-alaman na may dalawang minor incidents ang nangyari kung saan isang empleyada ng Jollibee ang nahirapang huminga at isang empleyada naman ng Watson’s ang nahimatay. Kaagad dinala sa isang ligtas na lugar ang mga ito at nilapatan ng pangunahing lunas.

Makalipas ang 20 minuto at matapos magsagawa ng clearing procedures at damage assessment ng mga gusali at maisiguro ang kaligtasan ng mga empleyado, bumalik ang mga ito sa loob ng mall para sa closing procedures. May dalawang beses naglabas masok ang mga ito dahil sa dami ng aftershock. Sa pag i inspection ng Damage Assessment Team ng nasabing mall, mayroon lamang nakitang minor crack sa lobby ng cinema at clinic ng mall. Bago magbukas ang mall ngayong araw na ito (April 5), muling nag-ikot ang team upang magmonitor kung mayroon pang damage. “Bukas ang mall ngayon with our normal operating hours. We will make a continous monitoring to ensure the safety of our employees and customers,” dagdag pa ni Buenaflor. Samantala, ayon naman sa isa sa mga designated DRRM Managers ng Batangas Medical Center (BATMC) na si Zhordy Alialy, naging handa ang kanilang institusyon sa pagresponde sa naganap na lindol kagabi bunga na din ng kanilang mga natutunan sa earthquake drill. Nagkaroon lamang aniya ng pagpapanic ang mga bantay at pasyente subalit wala namang insidente ng stampede. May isang bantay na napaulat na nadapa dulot ng “improper body mechanics.” Maayos aniya na nailabas ang kanilang 415 pasyente, mga bantay at mga hospital personnel. Inevacuate ang mga ito sa basketball court sa likod at sa rotonda sa harap ng BATMC. Nagsilbing Incident Commander si Dr Joan Abrenica. May dalawang engineers na nag-assess ng integrity ng structures pagkatapos ng lindol at mga aftershock. Bagamat may nakitang mga crack, safe naman aniya ito at kaagad ding pinabalik sa loob ang mga tao. Ayon naman kay Dr Luis Buno, OIC ngayong araw na ito ng BATMC, na lift na ang kanilang Code Blue kaninang umaga na nangangahulugan na lahat ng kanilang personnel ay kailangang magreport. Dahil dito, nagresume na sa normal na operasyon ang naturang ospital. Nagpaabot siya ng pasasalamat sa lahat ng ahensyang tumulong sa kanila tulad ng Philippine Red Cross, PDRRMO at CDRRMO. Hangad din aniya na mas maihanda ang mga tao at makapagpractice din ang mga ito ng drill sa kanilang tahanan upang maging aware sa mga nararapat gawin sa panahon ng kalamidad. (PIO Batangas City)