Proseso ng pagbibigay ng allowances ng mga scholars, pinadali

  scholar1.jpg scholar2.jpg scholar3.jpg scholar4.jpg scholar5.jpg scholar6.jpg scholar7.jpg scholar8.jpg scholar9.jpg

Mabilis at maalwan na nakapag-encash ng kanilang tseke ang mahigit sa 500 EBD scholars na tumanggap ng kanilang scholarship allowance mula kina Congressman Marvey Mariño at Mayor Beverley Dimacuha kaninang umaga dahil nasa Mayor’s Action Center (MAC) ang mga empleyado ng Development Bank of the Philippines (DBP) para sa proseso ng encashment ng scholarship check.

Ayon kay Mayor Dimacuha hiniling niya ang suporta ng DBP para mas mapabilis ang proseso ng pagpapalit ng tseke upang makabalik kaagad sa kanilang paaralan ang mga estudyante. Pinirmahan din niya ang likod ng tseke bilang garantiya kung kaya’t isang ID lamang sa halip na dalawa ang kailangang ipresenta para mapalitan ang tseke. Ayon sa kanya, ang mga hakbang na ito ay pagtupad sa kanilang pangakong higit na papagandahin at palalawakin ang mga programa ng pamahalaang lungsod para mas marami ang makinabang. Hiniling niya sa mga estudyante na mag-aral na mabuti para mapanatili ang scholarship at makatapos ng pag-aaral para magkaroon ng magandang kinabukasan.

Inilahad naman ni Cong. Mariño ang mga nakalinyang proyekto para sa edukasyon, Ilan dito ay ang pagpapagawa ng tatlong palapag na City Public Library na may libreng paggamit ng internet para sa mga mag-aaral. Ayon kay Cong. Mariño ang budget para sa konstruksyon ng gusali ay mula sa kanyang pondo sa kongreso at ang mga gamit at supplies naman ay popondohan ng pamahalaang lokal.

Nagpapagawa na aniya ng bagong gusali ang Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB) at magdadagdag ng iba pang kurso sa mga susunod na taon. “Patuloy ang pamahalaang lungsod sa pag-iimbita ng mga business investors para magtayo ng mga negosyo dito sapagkat ito ang pinagkukunan ng buwis na ginagamit na pondo para sa mga programa kagaya ng scholarship program. Magbibigay din ito ng trabaho sa mga residente,” sabi ng congressman.

Ipinaalam naman ni Manolo Perlada, head ng scholarship committee, na pagkatapos ng school year ay kailangan mag renew ng kanilang scholarship ang mga EBD scholars. Magsisimula namang tumanggap at magproseso ng scholarship application ang komite sa Abril at Mayo. Hiniling rin niya na bisitahin ang FB account ng EBD scholars para sa mga mahahalagang impormasyon. (PIO Batangas City)