Rehabilitasyon ng Calumpang River nakaplano na

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Nakapaloob sa Annual Investment Program for 2019 ang total rehabilitation ng Calumpang River na patuloy na nasisira ng polusyon dulot ng dumi buhat sa mga piggeries sa lungsod at karatig na munisipalidad.

Ito ang pahayag ni City Planning and Development Coordinator Januario Godoy sa isinagawang joint committee hearing ng Committee on Laws, Rules and Regulations at Committee on Engineering and Public Works ng Sangguniang Panlungsod noong September 24 para sa pag-apruba ng proposed Annual Investment Plan for 2019.

Ayon kay Godoy, kung sakaling maaprubahan ang naturang AIP na nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P13.5 bilyon, may nakalaang pondo para sa total rehabilitation ng Calumpang River.

“Ilan sa mga nakalatag na programa dito ay ang Calumpang River Eco-Tourism Development Project. Layunin nito na i-transform ang ilog at ang mga baybayin nito na maging isang tourist attraction. Magagawa natin ito kung lahat tayo ay seryoso at magtutulungan sa muling paglilinis ng Calumpang River,” sabi niya.

Ayon pa kay Godoy, isa sa tinitingnan na paraan upang malinis ang ilog ay ang pagsasagawa ng dredging kung kaya’t “nakatakdang bumili ang city government ng dredging equipment upang makapag-dredge sa barangay Wawa at Malitam.”

Ikinatuwa naman ito ng miyembro ng konseho.

“Sana ma-isama sa pagpaplano ang mga munisipalidad na dinadaanan ng ilog. Alam naman natin na hindi lamang tayo ang may hurisdiksyon dito, kailangan na pare-pareho tayo ng objective upang mabilis nating maisalba ang Calumpang River,” sabi ni Konsehal Nestor Boy Dimacuha.

Agad namang sinang-ayunan ito ni Godoy.

“Opo, yan nga po ang ating nais iparating sa mga kababayan natin. In fact, magtatayo po tayo ng waste water treatment facility para sa mga livestock wastes sa Tinga Itaas bilang pilot barangay kasunod ang Tinga Labac, Soro-soro, at mga katabing barangay. Sana sa initiative nating ito, sumunod ang mga karatig-bayan natin dahil contributor din naman sila sa pagdudumi ng ilog,” dagdag pa ni Godoy.

Bukod sa mga inisyatibong ito, ilan pa sa mga proyektong nakasaad sa AIP ay ang pagtatayo ng City Waste Water Treatment and Management Project at Development of Constructed Wetlands for Waste Water Treatment.

Bukod kay Godoy, dumalo rin sa committee hearing ang mga miyembro ng Local Finance Board na sina City Budget Officer Beth Delos Reyes, City Treasurer Nila Olivario, City Accountatnt Sheryl Bool, Arch. Gerry Palas at Engr. Dwight Arellano ng CEO.

Bukod kay Vice Mayor Jun Berberabe, dumalo sina Councilors Serge Atienza, Gerry Dela Roca, Ayleen Montalbo, Mando Lazarte, Oliver Macatangay, Hamilton Blanco, Julian Villena, Boy Dimacuha, Glen Aldover at SK Federation President Marjorie Manalo.(PIO Batangas City)