SP hindi naniniwala sa Prime Water na hindi malaki ang taripa ng tubig sa kanilang PPP sa BCWD

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

Hindi pinaniwalan ng Sangguniang Panglungsod ang paliwanag ng Prime Water Corporation na hindi magiging malaki ang pagtaas ng presyo ng tubig sa oras na mangyari ang kanilang public private partnership(PPP) sa Batangas City Water District(BCWD) dahilan sa malaking investment nito na P5.6 billion para sa upgrading at rehabilitation ng water sytem kaya “this is too good to be true.”

Sumalang sa isang public hearing ang mga kinatawan ng BCWD at Prime Water Corporation noong ika-15 ng Nobyembre hinggil sa nakaambang pagpasok nito sa PPP na alinsunod sa 2013 revised NEDA Guidelines on Public Private Partnership.

Humarap sa Committee of the Whole na pinamunuan ni Vice Mayor Jun Berberabe sina Engr. Jose Roberto Maranan, Bernardo Hornilla, Arvil Villena, Evelyn Rillera, at Atty. Lani Cepillo-Gonzales ng BCWD. Sa panig naman ng Prime Water, kinatawan ito nina Romeo Sabater, Head of Business Development at Atty. Jesus Apuyod bilang legal counsel.

Dumalo rin dito sina City Administrator Atty. Narciso Macarandang, Legal Officer Atty. Teddy Deguito at Engr. Sonny Godoy ng City Planning. Ayon sa presentasyon ng Prime Water, mula sa minimum na P205.00 kada buwan, walang magiging pagtaas ng taripa sa loob ng 2 taon. Pagkatapos ng 2 taon, tataas ito sa P230.00 dahil sa 12% na Value Added Tax (VAT).

“Bago magkaroon ng panibagong pagtataas ng rate ng tubig, magkakaroon muna ng public hearing at kakailanganin ang pag-apruba ng Local Water Utilities Administration (LWUA),” sabi ni Sabater.

Ayon pa sa kaniya, ang nakikita nilang magiging presyo ng taripa ay humigit kumulang sa P550.00 sa loob ng 25 taon. Ang Prime water aniya ang mamamahala sa rehabilitation, financing, improvement, development, operation at maintenance ng water system at septage management ng syudad.

Kinwestyon ng mga miyembro ng konseho ang paliwanag na ito at sinabing hindi kapani-paniwala ang ilang probisyon ng PPP lalo na ang pagtataas ng taripa na ang mga consumers ang babalikat.

Sinabi ni Association of Barangay Captains (ABC) President Angelito Dondon Dimacuha na “alam naman natin na ang Prime Water ay isang business company. Maging tapat na tayo na ang pangunahing layunin ng mga kompanya ay ang tumubo ito. Secondary na lamang ang serbisyo. Kaya akoy nakakasigurado na darating ang panahon na sobrang taas ng presyo ng tubig sa lungsod kung ito ay maaprubahan.”

Ikinabahala rin ni VM Jun Berberabe na ang mga konsumidores ang papasan ng bigat ng sinasabing improvement na gagawin ng nasabing kumpanya.

“Sa P5.6B na investment para sa proyektong ito, paano mababawi ang puhunan nyo kung aasa lamang kami sinasabi ng mga pag-aaral nyo na ilang porsiyento lamang ang itataas ng taripa? Tapos taon-taon magbibigay pa kayo ng P30 million sa BCWD para sa empleyado? Saan nyo ito kukuhanin?”

Ipinaliwanag naman ni Sabater na ang vision ng Prime Water ay hindi lamang nakatuon sa koleksyon na makukuha sa ibinabayad ng mga consumer. Aniya, sa 36,000 connections ng lungsod, umaasa sila na ito ay madodoble sa loob ng 25 taon habang sila ay nakatali sa ilalim ng PPP.

Naging emosyonal naman ang mga konsehal nang madako ang usapan sa mga empleyado na maaaring matanggal kung sakaling matutuloy ang joint venture.

Ayon kay City Administrator Narciso Macarandang, sampu lamang ang ma-re-retain sa 100 regular na empleyado ng BCWD.

“Ano ang mangyayari sa mga empleyado namin? Kung papaniwalaan namin ang sinasabi nyo na i-aabsorb nyo sila bilang regular din na empleyado, oo, maganda yun, pero mawawala na ang kanilang security of tenure dahil pribado na kayong kumpanya. Paano kung bigla na lamang kayo mag-re-trench? Sana maunawaan nyo na pinoprotektahan din lamang namin ang mga empleyado ng lungsod. “ ani Macarandang.

Nangako naman ang pamunuan ng Prime Water na magbibigay sila ng magandang packages para sa mga nagnanais na mag-avail ng early retirement kung sakaling ayaw nang magtrabaho ng mga dating empleyado ng BCWD.

Hiniling rin ni Macarandang na makakuha sila ng orihinal na kontrata ng PPP. Aniya hindi nakasaad sa kanilang kontrata ang mga babayarang taxes ng Prime Water kung sakaling ito ay maaaprubahan. Bilang isang pribadong kumpanya, iba ang magiging komputasyon ng buwis nito kumpara sa isang Government Owned Controlled Corporation na gaya ng BCWD.

Inihahanda na ng Committee of the Whole ang kaukulang committee report kung pagbibigyan ang kahilingan ito na maaprubahan ang naturang joint venture. (PIO Batangas City)