Batangas City tumanggap ng award sa agrikultura

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

Tinanghal na Outstanding City Agriculture and Fishery Council (CAFC) sa Region IV-A Calabarzon ang Batangas City CAFC sa isinagawang 2016-2017 Regional Gawad Saka awarding ceremonies noong ika-27 ng Oktubre sa Provincial Auditorium.

Sila ay tumanggap ng plake at cash prize na P 50,000  bilang pagkilala sa kontribusyon ng samahan sa pamumuhay ng kanilang mga kasapi at ng pamayanang kanilang ginagalawan.

Ayon kay Department of Agriculture CALABARZON Regional Information Officer and Regional Gawad Saka focal person Patria Bulanhagui, layunin ng nasabing parangal na kilalanin ang malaking kontribusyon ng mga magsasaka sa pagiging katuwang ng Kagawaran ng Sakahan sa adhikain nitong mapaunlad ang agrikultura hindi lamang sa rehiyon gayundin sa buong bansa.

Ang parangal ay tinanggap ng mga opisyales ng council sa pangunguna ng chairman nito na si Panfilo Cabatay kasama ang kinatawan ni City Veterinarian and Agricultural Services Dr Loyola Bagui na si Agriculture Extension Worker na si Luningning Almeria.

Ayon kay Cabatay, malaking factor ang kanilang magandang ugnayan sa samahan kung kayat sila ang nagwagi. Mas lalo pa aniya nilang pag-iigihin ang pagsusulong ng kanilang hangarin at ang kanilang paglilingkod sa kanilang mga myembro.

Sinabi ni Asst. City Agriculturist Flora Andal na katuwang ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services(OCVAS) ang CAFC sa epektibong pagpapatupad ng lahat ng mga programa nito.  

Napili namang Outstanding Corn Farmer si Felimon Fermijo ng barangay Sorosoro Ilaya na nagkamit ng plake at P 30,000 na premyo. Sinamahan siya ni Andal sa pagtanggap ng parangal.

Si Fermijo ay 17 taon nang magsasaka at siya din ang tumatayong vice-president ng Batangas City Corn Growers Association sa kasalukuyan.

Ayon kay Andal, malaki ang naging ani ni Fermijo sa pagtatanim ng mais kung saan ito ay umabot ng 12 tonelada bawat ektarya noong 2016. May  2.5 na ektarya ang kanyang sinasakang lupa na mahusay niyang pinamamahalaan.. Malaki din ang social impact ng kanyang pagiging chairman ng Sorosoro Multiple and Allied Services Cooperative  kung saan pinapautang ng binhi at abuno ang mga miyembro nito at nababayaran naman lahat ng pautang na ito. Gumagamit din siya ng organic fertilizer upang maging maganda ang kalidad at texture ng lupa.

Hinikayat naman ni Fermijo  ang mga kabataan na pasukin ang sektor ng agrikultura at paunlarin ito upang hindi na mag-import pa  ng produkto  ang bansa.

Taos puso  ang pasasalamat ng CAFC at ni Fermijo sa ayudang ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod sa kanila upang mapalago ang agrikultura.   

Binati ni Governor Hermilando Mandanas ang Calabarzon  sa pangunguna nito sa larangan ng  agrikultura sa bansa.

Nagpaabot din ng mensahe si Mayor Beverley Dimacuha sa pamamagitan ni City Admnistrator Atty. Narciso Macarandang. Binigyang diin nito na sa kabila ng pagiging industrialized city ng lungsod, malaking pondo ang nakalaan sa ibat-ibang agricultural programs at services nito. “Ang mga magsasaka ang saligan ng mga mamamayan na nararapat bigyan ng papuri at pagsaludo sa kanilang pagpupunyagi,” ayon sa kanyang mensahe.

Hinikayat naman ni DA CALABARZON Regional Director Engr. Arnel de Mesa na nawa’y  “maipasa ng mga magsasaka sa bagong henerasyon ang kanilang kaalaman at butil ng karanasan upang higit na mapaunlad at maging masagana ang sektor ng agrikultura sa bansa.”

Nakiisa din sa nasabing okasyon sina ATI CALABARZON Center Director Marites Cosico, PCA CALABARZON Regional Manager Erlene Manohar, Acting Chairman at si Regional Agriculture and Fisheries Council Pedrito Kalaw.