Natatanging pamilya pinarangalan

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

BATANGAS CITY- Kinilala ng pamahalaang lungsod ang mga natatanging pamilya sa pagdiriwang ng Buwan ng Pamilyang Pilipino sa Batangas City Convention Center.

Dahilan sa pagtutulungan at pagmamahal na nagpatibay sa kanilang pagsasama, nahirang ang pamilya ng mag-asawang Victor at Aileen Malibiran ng Tabangao Dao bilang Huwarang Pamilyang Batangenyo ngayong 2017. Sila rin ang napiling Pamilyang Matagumpay sa Larangan ng Pagsasaka dahilan sa kanilang naging kontribusyon sa pagpapalago ng agrikultura sa lungsod. Sa pamamagitan ng pagsasaka ng mag-asawa, napagtapos nila ang lahat ng kanilang mga anak.

Ayon kay Mila Espanola, hepe ng CSWDO, ang pagbibigay ng karangalan sa bawat pamilya ay upang magsilbing inspirasyon sa mga mamamayan na magsikap na mapalakas at mapanatiling buo ang kanilang mga pamilya. “Ito ay isang hamon para sa pamilya upang tularan sila ng iba pang pamilya dahil sa mganda nilang ginagawa sa kanilang lugar,” dagdag pa ni Espanola.

Ang naturang pagdiriwang ay may temang “Ika- Dalawamput-Limang Taon: Tungo sa Maginhawa, Matatag at Panatag na Pamilyang Pilipino” Nakasentro ang pagdiriwang na ito sa pagpapahalaga sa mga naging kaagapay sa pagpapatupad ng mga programa ukol sa pagpapaunlad ng pamilyang Batanguenyo.

Ang iba pang binigyan ng pagkilala ay ang mga sumusunod: sa larangan ng Legal na Aspeto- Batangas City Parole and Probation at Bureau of Jail Management and Penology; Pang Relihiyong Gawain-The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints at Parish of the Most Holy Trinity. Tumanggap din ng pagkilala si G. at Gng Reynaldo Rebadjo bilang Huwarang Pantawid Pamilyang Batangenyo dahilan sa pagiging lider at aktibo sa pagtulong sa pamayanang Badjao.

Kinilala rin ang mga pamilyang may Sinaunang Bahay na sina Alejandro at Simeona Tolentino ng Barangay Cumba kung saan itinayo ang kanilang bahay noong 1916 at hanggang sa kasalukuyan, ito ay nakatayo at tinitirahan pa ng mag-asawa. Ang may Pinakamaraming Bilang ng Miyembro ng Pamilya ay sina Presciano at Candida Bobadilla ng Barangay Simlong. Sila ay may 10 anak, 54 na apo at 56 apo sa tuhod. Ang Natatanging Solo Parent na Patuloy na Nagtataguyod ng Pamilaya ay si Teodora Bagon ng Barangay Dalig.

Itinaguyod niya ang kanyang 13 anak sa pamamagitan ng pagtatanim at pagtitinda ng prutas. Binigyan din ng parangal ang mga Mag Asawang Nagsasama ng Mahabang Panahon na sina Dominador at Josefa De Los Reyes ng Barangay Balete. Sila ay nagsasama sa loob ng 70 taon at nananatiling masaya at wagas ang pagmamahalan.(PIO Batangas City)