Barangay officials tinuruan upang higit na maging handa sa kalamidad

  DRRMSeminarWorkshop1.jpg DRRMSeminarWorkshop2.jpg DRRMSeminarWorkshop3.jpg DRRMSeminarWorkshop4.jpg

Dumalo sa Disaster Risk Reduction Management Seminar Workshop, Staff Exercise and Command Post Exercise ang mga barangay officials ng barangay Poblacion cluster at brgy. Bolbok noong September 19, sa Teachers Conference Center.

Ang seminar ay itinaguyod sa pagtutuwang ng pamahalaang lungsod, Department of Interior and Local Government (DILG) Batangas City at Rotary District 3820 Club of Downtown Batangas City. Layunin nito na maiangat ang lebel ng kamalayan ng mga kawani ng pamahalaang lokal at mga pinuno ng barangay sa pagresponde sa iba’t ibang disaster at maunawaan ang kanilang tungkulin at pananagutan kapag tumama na ang kalamidad.

Hinikayat dito ang opisyal ng barangay na maging pro –active o higit na handa bago pa man dumating ang kalamidad, kung kaya’t dapat ay may disaster preparedness program ang bawat barangay.

Nararapat na ang mga barangay officials ay may kakayahang tukuyin ang mga courses of actions at mag ulat ng mga insidente na may kumpleto at eksaktong detalye at naayon sa oras.

Binigyang diin ni Vina Marinel Sawali, training officer mula sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) na mahalaga ang 24 hours pagkatapos na tumama ang kalamidad para makapag sumite na ng report sa konsernadong ahensya ukol sa epekto ng kalamidad sa barangay.

Idinagdag din niya na mahalagang masanay ang mga opisyal sa mga simpleng emergency processes at protocols na naaayon sa Standard Operating Procedures na itinakda ng National Disaster Risk Reduction Management Council guidelines.

Binigyang diin sa seminar na ito na ang disaster management ay dapat nagsisimula sa lebel ng pamilya at barangay.

Naging tagapagsalita rin dito sina DILG Batangas City Director Amor San Gabriel na siya ring Committee Chairman ng Disaster Preparedness at Management of the Dead and Missing Persons at si P/Supt. Norberto Delmas na nagpaliwanag ukol sa kanilang mga programa para sa pagpapanatili ng katahimikan at katiwasayan ng komunidad. (PIO Batangas City)