Transport issues sa Grand Terminal tinalakay ng konseho

  transportissue1.jpg transportissue2.jpg transportissue3.jpg

Tinalakay sa hearing ng Committee on Transportation ng Sangguniang Panglungsod ang hinaing ng drivers at operators tungkol sa mataas na parking fee na sinisingil sa kanila sa Batangas City Grand Terminal at iba pang issues sa mga sasakyang nag-ooperate dito.

Dumalo sa nasabing committee hearing na pinamumunuan ni Councilor Oliver Macatangay ang mga kinatawan ng drivers associations mula sa Tabangao, Conde Labac, Bauan, Libjo, Balete, Taal, San Isidro at Balagtas, mga kinatawan ng van operators at ng isa pang application-based transport U-Hop na siyang nangangasiwa ng Batxi na nag-ooperate sa grand terminal.

Pinag-usapan dito ang kawalan ng prangkisa na Batxi na mayroon namang mayor’s permit.

Ayon kay Coun. Nestor Dimacuha, ang pag-secure ng prangkisa ay nakasaad sa RA 7160 o ang Local Government Code kung kaya’t ang pag-o-operate ng walang prangkisa ay itinuturing na iligal.

Agad namang humingi ng paumanhin ang kinatawan ng U-Hop sa katauhan ni Nick Laude at nangakong aayusin agad ang kailangang prangkisa. Ayon kay Laude, ang kanilang kompanya ay maihahalintulad sa Uber at Grab. Ang kaibhan nga lang ay purong Pilipino ang may-ari nito hindi kagaya ng dalawa na pawang foreigners ang operators.

“Kumpleto po kami ng permit, subalit wala pong nakapagsabi sa amin na iba pa po ang Mayor’s permit sa franchise permit. At dahil po dito kami po ay humihingi ng paumanhin at willing po kaming sumunod sa ipinag-uutos ng batas,” ani Laude

Ayon naman kay Eduardo Aguirre Sr, kinatawan ng Batxi, test run pa lamang ang kanilang ginagawa at hindi pa ito maituturing na operational. Maaari silang tumigil kung ipaguutos ng Sanggunian at handa rin silang sumunod kung kinakailangan.

“Sa kasalukuyan po, may 15 po kaming units na Batxi sa terminal. 5,000 units lamang po ang inaprubahan ng LTFRB sa amin upang mag-operate sa buong Pilipinas. Bale po dito sa probinsiya ng Batangas, 100 units lamang po ang aming inilabas,” ayon kay Aguirre.

Ilan pa sa mga lumutang na problema ay ang pagdami ng mga pampasaherong van at pagsulpot ng mga terminal nito sa kabila ng walang kaukulang permit at pagiging colorum ng ilan. May mga suhestyon rin na mabago ang ruta ng byaheng Banaba upang maging benepisyal sa kanilang pamamasada. Inireklamo rin ang pagdami ng ng mga colorum na tricycle na nakakaapekto ng malaki sa pagbyahe ng mga jeep sa Conde.

Dahil hindi nakarating ang mga pangunahing ahensiya kagaya ng TDRO, LTO, BPLO at ang Batangas Ventures Properties and Management Corporation na tumatayong operator ng grand terminal, muling magkakaroon ng committee hearing upang matugunan ang mga nasabing problema. Bukod kay Macatangay, dumalo rin sa hearing sina Coun. Mando Lazarte, Julian Villena, Nelson Chavez, Nestor Dimacuha, Karlos Buted , Glenn Aldover, Serge Atienza, Aileen Montalbo, Gerry Dela Roca, Hamilton Blanco, ABC President Angelito Dimacuha, Vice-mayor Jun Berberabe at P/Supt. Norberto Delmas. (PIO Batangas City)