Safe Motherhood Celebration idinaos ng CHO

  safemotherhood1.jpg safemotherhood2.jpg safemotherhood3.jpg safemotherhood4.jpg safemotherhood5.jpg safemotherhood6.jpg

Isinagawa ng City Health Office(CHO) ang Safe Motherhood Celebration na may temang Respeto: Alay Ko Para Sa’Yo upang ipakita ang mga serbisyo at pangangalaga na kanilang ipinagkakaloob sa mga nagbubuntis ng mga ina upang maging ligtas ang kanilang pagdadalanto hanggang sa kanilang panganganak.

Dito binigyang diin ni City Health Officer Rosanna Barrion na bawal ng manganak sa bahay dapat aniya ay sa mga facility based-delivery center o lying-in-clinics sa mga barangay. Dapat din aniyang magkaroon ng regular na pagpapa check-up sa doktor, sa CHO o sa mga barangay health center ang mga buntis hanggang sa makapanganak.

Ginagawa naming maibigay ang lahat ng dapat ninyong malaman, para sa ligtas na pagbubuntis at panganganak, napakasakit sa amin na may masasawi dahil sa pagdadalantao, dagdag pa ni Dr. Barrion.

Pinayuhan din ang mga buntis na matutong mag-ipon bilang paghahanda sa kanilang panganganak at sa pangangailangan ng kanilang sanggol. Kaya naman binigyan sila ng tibyo ng CHO para sa kanilang pag-iipon ng pera.

Sa mensaheng ipinaabot ni Mayor Beverley Dimacuha ay kinilala nito ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga nanay na aniya ay hero, kung saan ang hirap ng bawat nanay ay nagsisimula sa panganganak kaya ito ay tinawag na labor. Sinabi rin niya na lubos ang mga programa ng pamahalaang lungsod sa pangangalaga sa mga buntis at mga kababaihan partikular ang matiyak ang kanilang wastong nutrisyon. Hiling niya na samantalahin ng mga buntis ang mga oportunidad na ito na libreng ipinagkakaloob sa kanila ng CHO.

Nagbigay naman ng lecture ang obstetrician-gynecologist na si Dr. Honorata Lalaine P. Burog, medical specialist II, ng Batangas Medical Center, kung saan tinalakay niya ang respeto na dapat ipadama sa mga kababaihan. Binigyang diin niya na bilang respeto sa sarili ay hindi dapat hayaan ng mga babae lalo’t higit ng mga nagdadalantao ang pang-aabuso sa kanila at sa kanilang mga anak, maging pisikal, emosyonal at sekswal. Aniya, may mga ahensya ng pamahalaan na handang tumulong sakaling nakakaranas ng pang-aabuso o karahasan kagaya ng Women and Children Protection Unit ng PNP, City Social Welfare and Development Office at iba pa.

Pinaalalahanan din niya ang mga health workers/providers na maging masuri sa pag-tse-check-up sa mga buntis, at i-report kung sakaling may makikitang kaduda dudang mga pasa, bukol, at sugat sa pasyente ngunit ito aniya ay dapat confidential.

Itinuro rin ni Dr. Burog ang tamang pag-aalaga sa mga sanggol, tulad ng wastong nutrisyon, tamang pagduduyan, pagkakarga at paglalaro sa mga ito.

Nagkaroon din ng libreng dental check up at namigay ng toothbrush sa mga buntis ang Dental Division habang nagbigay naman ng lecture tungkol sa wastong nutrisyon at namigay ng ferrous sulfate with folic acid ang Nutrition Division ng CHO. Naging bahagi ng selebrasyon ang video clips ng ina at anak, The Singing Buntis Contest at Tibyo Painting Contest. (PIO Batangas City)