Healthy diet focus ng Nutrition Month

  1.jpg

Sa pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong Hulyo, payo ni City Nutrition Officer IV Lucy Manalo sa mga tao na magkaroon ng healthy lifestyle kagaya ng pagkain ng masustansya at balanseng diet, pageehersisyo at pag-iwas sa bisyo kagaya ng alak, sigarilyo at droga.

“Healthy diet, gawing habit for life” ang tema ng Nutrition Month na ipinagdiriwang alinsunod sa Presidential Decree 491 o Nutrition Act of the Philippines.

“Ang healthy diet ay ang pagkonsumo ng balanse o sapat na dami ng pagkain o yaong kabilang sa grupo ng go, grow at glow food. Ito ay tinaguriang “Pinggang Pinoy”kung saan 33% dito ay kanin, 33% ay gulay, 17% ay prutas at 17% ulam. Huwag din aniya kalimutan ang pag-inom ng maraming tubig.

Sa pamamagitan aniya ng healthy diet, maiiwasan ang mga karamdaman tulad ng hypertension, diabetes, sakit sa puso, sakit sa bato, cancer at iba pa na dulot ng pagkain ng sobrang taba o mamantika, sobrang maaalat at sobrang matatamis,” sabi ni Manalo.

Magsasagawa ang City Nutrition Division ng City Health Office ng nutrition symposium sa mga barangay bilang bahagi ng kanilang information and education drive.
Kasama ng symposium ang lecture hinggil sa “Pangangalaga sa kalusugan ni baby, umpisahan sa pagdadalantao ni mommy” o maternal nutrition.

“Kung malusog ang bata sa sinapupunan hanggang sa siya ay lumaki, makakatapos ito ng pag-aaral, magkakaroon ng maayos na hanapbuhay at magiging produktibong mamamayan sa lipunan,” sabi ni Manalo.

Binigyang diin niya na kapag ang mga mamamayan ay produktibo o kapaki-pakinabang, kasunod nito ay maunlad na ekonomiya. Sa halip aniya na mapunta sa mga gamot at sa ospital ang pondo ng gobyerno, maaaring magamit ang pondo sa mga development projects nito.

Ilan sa mga barangay na pagdadausan ng symposium ay ang Paharang East, Gulod Itaas, Pallocan East, Conde Itaas, Catandala at Barangay 12.

Ang culminating activity nakatakdang isagawa sa August 1 sa Batangas City Convention Center kaalinsabay ng paggagawad ng parangal sa Outstanding Barangay Nutrition Committee (BNC) at Barangay Nutrition Scholar (BNS).

Muling nahirang ang barangay Conde Itaas bilang Oustanding BNC at ang kanilang BNS na si Graciana Suarez ang muling nagwagi bilang Outstanding BNS. Sila ay tatanggap ng plake at cash prize at magiging kinatawan ng lungsod sa patimpalak sa rehiyon.

Samantala, bukod sa Nutrition Month, ang buwan ng Hulyo ay Deworming Month din kayat ang mga bata edad 1 hanggang kulang ng isang buwan sa 5 taon ay bibigyan ng pampurga sa barangay habang ang mga kabataan edad 5 hanggang 18 taon na nag-aaral sa pampublikong paaralan ay bibigyan naman sa mga paaralan. Para naman sa mga hindi nag-aaral na edad 5-18 taon, maaari silang makipag-ugnayan sa mga health center sa barangay.

Ang pagpupurga ay ginagawa tuwing Enero at Hulyo. (PIO Batangas City)