48 pares, ikinasal sa Baysanang Bayan 2017

  baysanangbayan1.jpg baysanangbayan10.jpg baysanangbayan11.jpg baysanangbayan12.jpg baysanangbayan13.jpg baysanangbayan14.jpg baysanangbayan15.jpg baysanangbayan16.jpg baysanangbayan17.jpg baysanangbayan18.jpg baysanangbayan2.jpg baysanangbayan3.jpg baysanangbayan4.jpg baysanangbayan5.jpg baysanangbayan6.jpg baysanangbayan7.jpg baysanangbayan8.jpg baysanangbayan9.jpg

Tunay na naging espesyal ang araw na ito para sa 48 pares na ikinasal ni Mayor Beverley Rose Dimacuha sa tinaguriang Baisanang Bayan 2017 na ginanap sa Batangas City Convention Center.

May red carpet, magandang dekorasyon, simpleng salo-salo na may kasamang litson, litratong kasama sina Congressman Marvey Marino at Mayor Beverley at magandang pangaral mula sa Mayor ang inihanda upang maging maganda at memorable ang araw na ito sa mga ikinasal.

At siyempre, hindi mawawala ang tradisyonal na seremonya ng subuan ng kalamay sa paniniwalang magiging matamis ang pagsasama ng mag-asawa, pag toast ng alak, pagpapalipad ng dove at subuan ng cake.

Ang libreng mass wedding na pinangangasiwaan ng City Civil Registrar’s Office ay naglalayong mabigyan ng pagkakataong makapagpakasal ang mga walang kakayahang pinansiyal upang maging lehitimo ang kanilang pagsasama at ang kanilang anak. Kayat lahat ng mga requirements ng kasal ay sagot na ng nasabing opisina.

“Ginagawa namin ang proyektong ito sapagkat naniniwala ako na sagrado ang kasal at mahalaga ang pamilyang Filipino” ani Mayor Beverley.

Matapos ang pagkakasal, pinayuhan niya ang mga mag-asawa na gamitin ang language of love para sa matibay na pagsasama kagaya ng “words of affirmation” o pagpapahayag ng pagpapahalaga, pagkakaroon ng quality time para sa isa’t isa, pagbibigay ng regalo paminsan minsan, “acts of service at physical touch.”

Isa pang advice niya na ipagpatuloy ang ligawan kahit kasal na at maglaan ng magkakahiwalay na oras para sa asawa at sa bawat anak.

Hinikayat din niya ang mga bagong kasal na muling magpakasal sa simbahan kung mayroong pagkakataon at gawing sentro ng kanilang buhay ang Panginoon. Pinayuhan niya ang mag-asawa na laging magdasal. “Very powerful ang dasal ng mag-asawa,” sabi ng Mayor.

Sina Freddie Fallarcuna at Emelyn Pascual ng barangay Balagtas ang may pinakamatagal na taon nang nagsasama. Sila ay nagsimulang magsama noong 1996 at biniyayaan ng limang anak. Lubos aniya ang kasiyahan ng kanilang mga anak sapagkat magagamit na nila ang apelyido ng kanilang ama. Anila, ang kakulangang pinansyal ang naging dahilan kung kayat nagsama sila sa loob ng 20 taon nang hindi pa kasal.

Itinuturing naman nina Marlon Ocampo at Marilou Maula, kapwa taga barangay 24 na ang araw ng kanilang kasal ang pinakamasayang pangyayari sa buhay nila. Magiging legal na aniya ang 14 na taon nilang pagsasama. Si Maula ay walong buwang buntis sa kanilang ikatlong anak.

Tumanggap pa ng regalo ang mga mag-asawa mula kay Mayor Dimacuha at Congressman Marino. Nagkaroon din ng raffle kung saan nagwagi ng overnight accommodation sa mga hotel at resort at dinner sa ibat-ibang restaurants sa lungsod ang mga lucky winning couples.

Sa huling bahagi ng programa, sinabi ni City Civil Registrar Josie Maranan na makukuha na ng mag-asawa ang kanilang marriage certificate sa April 17. Ang libreng legitimation naman ng mga anak ay para lamang sa mga ipinanganak at inirehistro dito sa Batangas City. “Hindi dito natatapos ang aming serbisyo. Hangad namin ang magandang buhay para sa inyo kayat lahat po ng aming programa ay inihahandog namin sa inyo. Kailangan lamang namin ang inyong suporta at pakikipagtulungan sa pamahalaang lungsod,” sabi ni Maranan. Sinabi rin niya na sana ay forever na ang pagsasama ng mga ikinasal.

Dumalo sa nabanggit na pagtitipon ang ilang mga city councilors, mga department heads, sina Provincial Statistics Officer Maximo Tolentino at Philippine Statistics Authority (PSA) Regional Director Charito Armonia.

Naging katulong ng CRO sa Baisang Bayan ang Cultural Affairs Committee sa pamumuno ng Vice-chairman nito na si Mr. Ed Borbon. (PIO Batangas City)