Mayor Dimacuha, pinuri ang papel ng kababaihan sa pamilya at komunidad

  LTO1.jpg LTO2.jpg LTO3.jpg LTO4.jpg LTO5.jpg LTO6.jpg LTO7.jpg LTO8.jpg

Binigyang diin ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang kontribusyon ng mga kababaihan sa kaunlaran ng pamayanan ng siya ay maging panauhin ng Land Transportation Office(LTO) sa Batangas City sa flag-rasing ceremony nito noong Lunes kung saan siya ay naimbitihan upang magbahagi ng kanyang mensahe sa pagdiriwang ng Women's Month.

Si Mayor Dimacuha ang isa sa mga women leaders na inimbitahan ni Acting LTO Chief at Licensing Division Head . Teodora Aguirre upang magsalita sa Women's Month celebration.

Sa tema ng pagdiriwang na “We Make Change Work for Women”, inisa-isa ng Mayor ang ginagampanan ng kababaihan sa pamilya man o sa komunidad.

Aniya, kalahati ng mundo ay binubuo na ng mga babae at hindi makakamit ng isang bansa ang progreso kung hindi magiging kabahagi ang mga kababaihan.

“Kung mapapansin ninyo, bihira na sa isang opisina ang walang empleyadong babae, minsan nga mas marami pa tayo kesa sa lalake e. Ibig sabihin nito, katulong na tayo sa pagbuhay ng isang komunidad. Kasama na tayo sa mga nagpapasok ng income sa kaban ng bayan,” ani Dimacuha.

“Mabuti nga ang mga lalake e, pagkatapos ng trabaho sa hapon, tapos na ang tungkulin nila, nakahiga na or nanonood na ng TV. Samantalang tayo? Umaga tayo ang naghahanda sa ating mga anak. Sa gabi tayo pa rin ang magluluto ng hapunan at mag-aasikaso sa bahay. Pero paalala lamang po na kahit pantay na ang karapatan natin, pagdating sa bahay, ang lalake pa rin ang head of the family, wag po nating aalisin yung karapatan na yun sa kanila,” dagdag pa ni Dimacuha.

Nagbigay rin ng maikling pananalita si Congressman Marvey Marino kung saan inilahad niya ang ilang mga programa ng kaniyang tanggapan sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod. Sinabi rin niya na naghain siya ng bill sa kongreso upang gawing isang Regional Center ang LTO Batangas. Nasa ikalawang pagbasa na aniya ito at kung ito ay maiipasa, maraming magiging plantilla sa LTO at maraming empleyado ang makikinabang dito. (PIO Batangas City)