Virtual family week celebration, isinagawa

  1.png 2.png 3.png 4.png 5.png 6.png 7.png 8.png

Isang online forum ang isinagawa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) bilang pagdiriwang ng Family Week na may temang "Tungo sa Maginhawa, Matatag at Panatag na Pamilyang Pilipino,” October 9. Layunin ng nasabing forum na mahikayat ang bawat pamilyang Batangueno na magkaroon ng maigting na samahan ngayong panahon ng pandemya.

Ayon kay CSWD Officer Mila Espanola, mahalagang masubaybayan ng mga magulang ang kanilang mga anak partikular sa paggamit ng internet at social media upang mapaalalahanan ang mga ito na maging mapanuri at maging maingat sa pagpopost, pakikipagusap at sa pagbabahagi ng personal information. “Mahalaga na kumustahin ang bawat isang miyembro ng pamilya dahil ang mga bata at nakatatanda ay maaring makaranas ng stress, takot, pangamba at pagkabalisa dulot ng pandemya,” sabi ni Espanola.

Idinagdag pa niya na maaaring hikayatin ang mga ito na magbahagi ng kanilang nararamdaman at mga hinaing. Nagsilbing resource speaker si Daisy Garcia, SWO III kung saan ibinahagi niya ang bagong Early Childhood Care and Development (ECCD) program na isang malaking hamon para sa mga magulang dahil ang mga ito ang magsisilbing katuwang nila sa pagtuturo sa mga bata. Kung paano maging isang responsableng magulang naman ang ibinahagi ni Pricilla Maulion, SWO I.

Tinalakay ni Charity Nunez, SWO IV ang Adolescent-Sexuality and Family Issues na madalas na pinagdadaanan ng mga kabataan at kung paano ito maiiwasan. Payo ni Espanola na gabayan ang mga anak sa kanilang pag-aaral, ilahok ang mga ito sa mga gawaing bahay, kumain ng sama-sama at maglaan ng family fun time upang mapanatili ang magandang samahan ng pamilya. Ang naturang forum ay dinaluhan ng humigit kumulang na 50 KALIPI Presidents ng ibat-ibang barangay. (PIO Batangas City)