Enforcement team sinisita ang mga pasaway ng health protocols

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Umikot na muli ang enforcement team ng pamahalaang lungsod ng Batangas habang sakay ng puting bus upang makita kung sumusunod ang mga tao sa health protocols . Dito rin sa bus isinasakay ang mga mahuhuling violators ng City Ordinance no. 4 s 2020 kontra covid-19.

Ang enforcement team ay binubuo ng mga tauhan ng Batangas City Police, Transportation Development and Regulatory Office (TDRO) at Eto Batangueño Disiplinado Magkatuwang Tayo (EBDMT) monitoring team.

Tatlong lalaking walang suot na face mask ang sinita ng grupo at isinakay sa bus. Kinuha ang kanilang pangalan, address at ilan pang personal na impormasyon para mai blotter sa kanilang barangay .Sinita rin ang mga walang quarantine pass (QP) na muling ipinatutupad sa lungsod simula ngayong araw na ito. Ang nasitang walang QP ay pinabalik na muna sa kanilang barangay para kumuha nito.

Chinek din ng teams ang mga dalang dokumento at ang health protocols ng mga magka angkas sa motorsiklo. Pinapayagan lamang na magka angkas ang mag-asawang nakatira sa isang bahay o live-in partners at dapat ay may protective barriers ang motorsiklo. (PIO Batangas City)