Palakasin ang pamilya panawagan ni Mayor Dimacuha

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Nanawagan si Mayor Beverley Rose Dimacuha sa mga magulang na patatagin ang pamilyang Batangengyo at palakihin ng maayos ang mga anak sa pagdiriwang ng Buwan ng Pamilya ngayong Setyembre.

Ayon kay Mayor Dimacuha, bukod sa edukasyon, pinakamagandang maiipamana ng magulang sa kanilang mga anak ay ang buo, nagmamahalan at may respetong pamilya. “Kami na po ang bahala sa lungsod, sinisikap po namin sa makapagpatupad ng mga programa at mapaunlad ang Batangas City, kayo na po ang bahala sa inyong pamilya, sa maayos na pagpapalaki ng inyong mga anak, patatagin po natin ang pamilyang Batangenyo,” pagdidiin ni mayor. Bahagi ng pagdiriwang na ito ay ang “Kasalan sa Lungsod” o maramihang pagkakasal na isinagawa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) katuwang ang City Registrar’s Office (CRO)noong September 21 sa Batangas City Convention Center.

Ikinasal ni Mayor Beverley Dimacuha ang 16 na pares na matagal ng nagsasama.

Bago simulan ang seremonya ay nagbigay ng ilang paalaala sina Mayor Dimacuha at Congressman Marvey Mariño para sa maligaya at mas matatag na relasyon ng mag-asawa. Anila dapat ay may respeto sa bawat isa, nagsusuportahan o tulungan sa pagtataguyod ng pamilya, may panahon para sa isa’t isa at iba pang pangaral.

Pinarangalan din sa okasyong ito ang mga Huwarang Pamilyang Pilipino sa lungsod ng Batangas sa iba’t ibang larangan.

Napili bilang natatanging Pamilyang Matagumpay sa larangan ng Pagsasaka ang pamilya nina Romeo at Flordeliza Landicho ng barangay Dumuclay; Pamilyang Matagumpay sa Pag-aalaga ng Hayop sina Jose at Petra Aguila ng Ilijan; pamilyang Matagumpay sa Larangan ng Sustainable Livelihood Program (Familiy Enterprise) ang pamilya nina Pedro at Teresita Doce ng Conde Itaas; Natatanging Solo Parent na Nagtaguyod ng mga Anak at Hanapbuhay sina Mercy Mandigma mula Pinamucan Silangan at Mely B. Lopez ng Conde Labac.

Napili bilang Huwarang Mag-Asawang Nagsasama ng Mahabang Panahon na Maunlad at Maligaya sina Andres at Luning Catapang ng barangay Talumpok West na 68 taong kasal, at ang pamilya nina Ricardo at Marifi Ramirez ng Mabacong ang kinilala bilang Huwarang Pantawid Pamilyang Batangenyo 2018. Ang pagdiriwang na ito ay may temang “Tungo sa Maginhawa, Matatag at Panatag na Pamilyang Pilipino” (PIO Batangas City)