Aug.12-19 idedeklarang Linggo ng Kabataan sa Batangas City

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Isang resolusyon na dinedeklarang Linggo ng Kabataan sa Batangas City tuwing August 12-19 ang iniakda ni bagong Sangguniang Kabataan (SK) Federation representative Marjorie Manalo noong August 7 sa lingguhang sesyon ng Sangguniang Panglungsod.

Ayon sa kaniya, ang resolusyon ay hango sa RA 10742 o ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 kung saan kinikilala ang mahalagang papel ng mga kabataan sa nation-building.

“Nakalagay rin po sa batas na ito ang promotion at proteksyon ng pisikal, moral, espiritwal, intelektwal at social well-being ng isang kabataan sa pamamagitan ng pagtatanim sa kanilang kamalayan ang nasyonalismo at pagmamahal sa bayan at iba pang positive values na maaaring magamit nila sa kanilang pamumuhay,” ani Manalo.

Nakasaad sa resolusyon na ang bawat barangay ay magkakaroon ng taunang aktibidad na tatawaging “Linggo ng Kabataan” kung saan ang ika-12 ng Agosto ay tatapat sa International Youth Day. Ang SK ng bawat barangay ang mangunguna sa mga aktibidad na ito.

“Kabilang sa Linggo ng Kabataan ang pagpili ng counterparts ng lahat ng local elected at appointive officials ng lungsod, kasama na ang mga department heads. Ang mga student leaders na may edad 13 hanggang 17 ang kwalipikado para dito,” dagdag ni Manalo.

Pinuri naman ito ni Konsehal Serge Atienza dahil panahon na upang magkaroon ng counterparts ang mga student leaders upang malaman nila ang trabaho ng isang opisyal ng lungsod.

“Kagaya ng mga Boy Scouts, dito pa lamang makikita na nila na hindi biro-biro ang trabaho ng isang local official, upang sa pagdating na sila naman ang uupo bilang mga lider ng bayan, may ideya na sila kung paano ito gagampanan,” sabi ni Atienza.

Sinang-ayunan naman ito ng mga myembro ng konseho at nangako ng pagsuporta sa lahat ng mga aktibidad ng Sangguniang Kabataan sa lungsod. (PIO Batangas City)