BFP magdaraos ng fun run sa March 10

  1.jpg

Inaanyayahan ang lahat na lumahok sa “Takbo Laban sa Sunog” fun run ng Bureau of Fire Protection(BFP) sa March 10, 5:00 ng umaga sa SM City Batangas parking area bilang kick-off activity sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month sa Marso.

Ang pagdiriwang ay may temang “Ligtas na Pilipinas ang ating hangad, pag-iingat sa sunog, sa sarili ipatupad”.

Layunin ng fun run na ito na mapalawak ang kamalayan ng mga tao sa kahalagahan ng pag-iingat at pagiging ligtas sa sunog bilang responsibilidad ng bawat isa.

Sinabi ni Fire Marshal Glenn Salazar ng BFP Batangas City na ang pag-iwas sa sunog ay kailangang magsimula sa pamilya na syang “basic unit of society” kung kayat kinakailangan itong paigtingin sa loob ng tahanan. “Kung ito ay makakasanayan o makakaugalian, madadala ito kahit saan,” dagdag pa ni Salazar.

Ang 5.2 km.- fun run ay may registration fee na P 250.00 upang makalikom ng pondo na gagamitin sa improvement ng serbisyo ng BFP. Mayroong kategorya para sa matanda at bata gayundin sa mga babae at lalaki. Sixty percent ng kikitain dito ay gagamitin ng Provincial BFP upang mapalakas ang pagresponde nito sa sunog habang ang 40% naman ay mapupunta sa BFP Batangas City. Anim na portable hand-held radio at portable speaker ang nabili ng ahensya noong nakaraang taon mula sa proyektong ito.

Para sa mga nagnanais lumahok, maaaring magpatala sa central fire station sa barangay Bolbok o bisitahin ang official facebook account ng BFP Batangas City.

Kaagad susundan ang fun run ng zumba dance na tinagurian namang “Sayaw Laban sa Sunog” kung saan inaasahan na may 1,500 participants ang lalahok mula sa lahat ng tanggapan ng BFP sa CALABARZON. Ito ay gaganapin din sa parking area ng SM.

Sa March 15 naman isasagawa ang City Fire Olympics sa city oval ground kung saan magsasama sama ang mga volunteer fire brigades ng mga barangay at industriya upang mahasa sa ibat-ibang fire- fighting skills at drills. Ang mga lalahok dito ay produkto ng isinasagawang “Ugnayan sa Barangay” ng BFP.

Kaugnay nito, ang BFP Batangas City ang magsisilbing host ng Urban Fire Olympics – provincial level sa Provincial Sports Complex na gaganapin sa March 23. Ang magwawagi dito ang magiging kinatawan sa Regional Fire Olympics sa Camp Vicente Lim sa Laguna.

Samantala, iniulat ng BFP na mayroon lamang pitong structural fires na naganap sa lungsod noong 2017 kumpara noong 2016 kung saan mayroon lamang 12 insidente.

Kayat sa pagpasok ng tag-init kung saan gagamit ang lahat ng ibat-ibang electrical appliances na magdudulot ng paglakas ng paggamit ng kuryente, tinatagubilinan ni Sr Inspector Salazar ang publiko na iwasan ang electrical overloading sapagkat ito ang isa sa mga pangunahing dahilan ng sunog. (PIO Batangas City)