Ordinansang nagbibigay prayoridad sa employment ng barangay residents dapat ipatupad

  1.jpg

Nanawagan si City Administrator Narciso Macarandang sa mga barangay captains sa Batangas City na mahigpit na ipatupad ang Ordinance No. 8 S. 1994 o batas na nagbibigay prayoridad sa employment ng mga kwalipikadong residente sa mga business establishments at contractors ng mga infrastructure projects na nag-ooperate sa kanilang barangay.

Layunin ng nasabing ordinansa na ang mga kwalipikadong residente ng lungsod ang unang mabigyang nga pagkakataong magka trabaho sa mga negosyo dito bago ang taga ibang lugar upang makinabang sila sa paglago ng lungsod.

Ayon kay Macarandang na siyang may akda ng ordinansa noong siya ay konsehal pa, napagalaman na ang lider ng Termite Gang na nagnakaw sa Golden Sun Jewelry Shop noong February 5 ay taga Ilocos Sur at nasakote ng Batangas City Police sa isang construction site sa barangay Mabacong kung saan siya ay nagtatrabaho bilang construction worker. Mas maiiwasan aniya ang ganitong krimen kung ang karamihan sa mga nagtatrabaho dito ay taga lungsod.

Nakasaad sa batas na ito na ang lahat ng may-ari ng business establishments at contractors o sub contractors ng projects na sakop ng ordinansang ito ay kailangang isama sa kanilang annual application o renewal ng business permit ang certification under oath na ang prayoridad sa employment ay ipinagkaloob nila sa residente ng barangay kung saan sila nag-ooperate at 75% at least ng kanilang workforce ay mula sa barangay. Kung walang kwalipikado sa host barangay, pwede silang kumuha sa ibang kalapit na barangay at kung hindi pa rin makakuha rito ng 75% ng kanilang work force, ay pwedeng kumuha sa iba pang bonafide residents ng lungsod.

Ang sinumang lumabag sa ordinansa ay papatawan ng multang P5,000 o pagkabilanggo ng hindi bababa sa 30 araw o hindi lalampas sa anim na buwan. (PIO BATANGAS CITY)