BCEES 3 storey school bldg., pinasinayaan

  BCEES1.jpg BCEES2.jpg BCEES3.jpg BCEES4.jpg BCEES5.jpg BCEES6.jpg BCEES7.jpg BCEES8.jpg

Sinabi ni Mayor Beverley Rose Dimacuha sa inauguration ng isang school building sa Batangas City East Elementary School kaninang umaga na isa sa mga prayoridad niya ang pagpapagawa ng mga school buildings at pagsasaayos ng pasilidad ng mga pampublikong paaralan lalo’t higit yaong mga nasa malalayong barangay sa lungsod.

“Si Mayor Eddie po ay produkto ng public school, paaralan po sa bukid, kaya po hinding hindi namin pababayaan ang mga public schools lalo na po ang mga nasa bukid,” sabi ni Mayor Dimacuha.

Ang pinasinayaang 3-storey-15-classroom Mayor Eddie Dimacuha type- school building ay gagamitin ng grade V at Fast Learners (FL ) na mag-aaral ng nasabing paaralan.

Binanggit naman ni Congressman Marvey Mariño ang kanyang suporta sa edukasyon ng mga taga Batangas. Aniya isinisiguro nila na kumpleto ang konstruksyon at maayos ang pasilidad ng mga school buildings bago ito i-turn over sa Department of Education (DepEd) Batangas City. Sinabi rin niya na may pakikipag- ugnayan siya sa DepEd head office kung kaya’t makakatulong ang kanyang tanggapan sakaling kailanganin ng DepEd Batangas City ang karagdagang eskwelahan.

Labis ang pasasalamat ng DepEd Batangas City Schools Division kina Mayor Dimacuha at Cong. Mariño sa malaking suporta sa edukasyon at sa kanilang mga programa. Tiniyak naman ni Vicenta Ebora, principal ng BCEES na lilinisin, aalagaan at gagamitin ang bagong gusaling ito para sa higit na kaunlaran ng paaralan at ng mga mag-aaral dito. (PIO Batangas City)