PNP at PIO nagdaos ng information campaign sa illegal drugs at mga proyekto ng pamahalaang lungsod

  PIO1.jpg PIO2.jpg PIO3.jpg PIO4.jpg PIO5.jpg PIO6.jpg PIO7.jpg PIO8.jpg

BATANGAS CITY-Nagsimulang magsagawa ng information campaign ang Public Information Office tungkol sa mga pangunahing programa at serbisyo ng pamahalaang lungsod kasama ang Batangas City Police na nag lecture naman sa drug awareness sa Pinamucan National High School at Tabangao National High School.

“Ang mga programang ito ng pamahalaang lungsod sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Beverley Dimacuha ay libre ninyong pakikinabangan kung kayat kailangan ninyo itong malaman,” sabi ni Marie Lualhati na siyang naging resource speaker ng PIO.

Tinalakay niya ang mga programa kagaya ng scholarship, healthcard, Colegio ng Lungsod ng Batangas, agricultural at livelihood projects, social at health services at infrastructure projects habang tinalakay naman ni Ivan Barza ang tungkol sa mga environmental issues.

Nagsalita tungkol sa drug awareness si Police Chief Inspector Joel Laraya , chief ng Intelligence Division ng Batangas City Police at tinalakay ang ilang mga mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 .

Ikinuwento rin niya ang kaso ng mga estudyanteng nahuli nila sa isang sementeryo sa kanilang anti-drug operation sa Barangay 6 kamakailan . Nabasa nila sa cellphone ng mga estudyante na ang mga ito ay bibili ng shabu sa magkapatid na drug pushers na nakatakas sa mga police operatives. Nag-ambag ambag aniya ng tig P100 ang mga estudyante upang makabili ng shabu.

Ipinatawag nila ang mga magulang ng mga nahuling estudyante na ang ilan ay hindi alam na nagda drugs and kanilang mga anak. Kayat payo niya sa mga estudyante, “huwag ninyong sirain ang inyong buhay at kinabukasan sa paggamit ng droga.” Pagkatapos ng lecture ay namigay siya ng P200 na papremyo sa mga eskwelang nakasagot sa kanyang katanungan tungkol sa kanyang lecture.

Ayon sa mga school authorities ng dalawang paaralan, hindi lamang sila nababahala sa drug abuse kundi sa madaming eskwelang nagsisigarilyo kahit sa paaralan. Inereklamo rin nila ang mga malalapit na tindahan sa paaralan na nagbebenta ng sigarilyo sa mga paaralan.

Pinayuhan ni Laraya ang mga school authorities na ipatupad ang city ordinance na nagbabawal sa pagsisigarilyo sa mga pampublikong lugar kagaya ng paaralan. (PIO Batangas City)