Financial Assistance ibinigay sa Mahihirap na Senior Citizen

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

BATANGAS CITY- May 2,494 higit na nangangailangang senior citizens ang tumanggap ng kanilang unconditional cash transfer (UCT) na P2,400 mula sa Department of Social Welfare & Development Office kasunod ng pagtaas ng bilihin bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Saklaw nitong UCT ang mga mahihirap na pamilyang hindi makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN. Nasa 200 kada buwan ang ayudang itinakda ng batas pero nagdesisyon ang DSWD na ibigay na ang pang-buong taong ayuda na P2,400.

Ang pamamahagi ay isinagawa sa Batangas City Coliseum noong October 16-17 kung saan kasama ng mga senior citizen beneficiaries ang mga Pantawid Pamilya Pilipino Program (4 Ps) grantees.

Ayon kay Mila Española, hepe ng City Social Welfare and Development Office, “hindi naman po ito malaking halaga pero malaking tulong din ito sa pang araw-araw na pangangailangan.”

Sinabi pa niya na ito ay isang “safety net" o proteksiyon para sa mga mahihirap upang matulungan silang makahabol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin kasunod ng mga bagong ipapataw na buwis sa mga produkto.

Ayon kay Remegia Suarez ng Brgy. Halige kanluran at dati na rin nakatatanggap ng social pension mula sa gobyerno, mayroon siyang maintenance na gamot na nagkakahalaga ng P30 kada araw. Aniya, mukhang pang-ilang araw na gamutan lang ang aabutin ng ayuda para sa kanilang pangangailangan. Tingin naman ng iba, maigi na rin kaysa wala.

Katulong ng DSWD ang Land Bank of the Philippines na siyang nangangasiwa sa pagbibigay ng cash assistance at ang City Social Welfare and Development Office. (PIO Batangas City)