Segregated collection ng basura sisimulan sa October 1

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Simula October 1, 2018, dalawang magkahiwalay na trak na ang hahakot ng nakabukod na basurang nabubulok at di nabubulok kung kayat pinapayuhan ang lahat ng bahayan sa 65 barangay na kinokolektahan ng hauler ng pamahalaang lungsod na ibukod na ang kanilang mga basura.

Ito ay alinsunod sa pinaigting na pagpapatupad ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Nagkaroon ng pagpupulong ang Batangas City Solid Waste Management Board (SWMB) at ang mga officials ng 65 barangay na hinahakutan ng basura noong September 24 sa Teachers Conference Center kung saan napagkasunduan na magiging segregated na o nakabukod ang basurang hahakutin simula October 1.

Ang CSWMB ay kinatawan ng chairperson ng Technical Working Committee nito at General Services Officer, Joyce Cantre at City Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Oliver Gonzales, kung saan hiniling nila ang kooperasyon ng mga opisyal para maipatupad ang waste segregation sa kani-kanilang barangay.

Ilan sa napagkasunduan sa pagpupulong ay magkakaroon ng dalawang magkahiwalay na trak na hahakot ng basurang na bubulok at di nabubulok sa iskedyul ng hakot nito sa bawat barangay, magtatalaga ang punong barangay ng tatlo o higit pang opisyal ng barangay (kagawad o barangay tanod) na siyang magmomonitor at lalagda ng katunayan ay maayos na nahakot ang magkabukod na basura sa takdang iskedyul. Sakaling maaantala ang paggdaan ng trak dapat ito ay maipagbigay alam kaagad sa mga pinuno ng barangay.

Muling ipinamahagi ng CSWMB at CENRO ang kopya ng iskedyul ng hakot ng basura sa bawat barangay. (PIO Batangas City)