Karagatan at hangin sa lungsod ligtas sa kontaminasyon ayon sa city ENRO head

  1.jpg

Nag-ulat ang hepe ng City ENRO na si Oliver Gonzales sa sitwasyong pangkapaligiran ng lungsod sa regular session ng Sangguniang Panlungsod nitong March 6 kung saan sinabi niya na maayos pa ang kondisyon ng mga karagatan at kalidad ng hangin sa lungsod.

Ayon sa kaniya, ang kanilang tanggapan ay mahigpit na bumabatay sa Environmental Code ng lungsod. Sila rin aniya ang may responsibilidad kung ang paguusapan ay ang environmental situation ng hangin, lupa, tubig at maging ng ilalim ng tubig sa buong syudad.

“Malugod ko pong ibinabalita sa inyo na ligtas pa po sa kontaminasyon ang mga bodies of water maging ang hangin sa ating lungsod. Dito po ay katulong natin ang University of the Philippines Los Banos (UPLB) sa pagmomonitor ng mga dagat, ilog, at karagatan dito sa ating lungsod,” sabi ni Gonzales.

Ayon pa sa kanya, mayroong anim na air quality monitoring stations sa lungsod kung saan dito ginagawa ang quarterly air testing upang masiguro na ligtas ang hangin na ating nilalanghap. Ito ay nasa Balagtas, Bolbok, Libjo, Plaza Mabini, Old Market at sa itaas ng CENRO building.

“Ang medyo challenging lamang po sa lungsod ay ang ating ilog ng Calumpang. Marami na pong outside factors kung bakit patuloy ang pagdumi ng ilog. Kaya’t nanawagan po ako hindi lamang sa mga taga-lungsod ng Batangas kundi maging sa karatig bayan natin na magtulungan tayo kung gusto nating muling maibalik ang ganda ng Calumpang River,” dagdag ni Gonzales.

Siniguro din niya na mas hihigpitan nila ang pag-iisyu ng City Environment Certificate (CEC) sa mga nagnanais magtayo ng resort sa lungsod. Nagsimula na silang mag-imbentaryo ng mga beach resorts upang masiguro na sumusunod sila sa CEC partikular ang paglalagay ng waste water treatment facility upang hindi aniya mapagaya ang lungsod sa isla ng Boracay.

Sinagot rin ni Gonzales ang usapin hinggil sa 0-Waste Management na binuksan sa sesyon. “Ang landfill at hauling ay nasa ilalim ng isang pribadong kumpanya, pero kahit private ito, kailangan pa rin nilang sundin ang nasa environmental certificate.”

“Mayroon po tayong multi-partite monitoring team na quarterly ay nagmomonitor ng operasyon ng hauling at landfill. Sa ngayon po, isinara ang 3.7 hectare ng landfill para sa ginagawang rehabilitation nito. Sa kasalukuyan po 1 ektarya lamang ang operational sa landfill at pinaglalagakan ng mga basurang nakokolekta araw-araw,” pagtatapos ni Gonzales.

Samantala, muling kinumpirma ng Sanggnuniang Panglunsod si Gonzales bilang Department Head 1 ng kanilang opisina.

Ang CENRO ay dating isang dibisyon lamang sa ilalim ng City Mayor’s Office at naging ganap na isang departamento noong 2013.

Dahilan sa pagkakamali ng designation ni Gonzales bilang department head, kinakailangang ikumpirma muli si Gonzales ng konseho sa utos ng Department of Budget and Management (DBM).

Nagpasalamat si Gonzales sa Sangguniang Panlungsod at nangakong hindi sisirain ang pagtitiwala ng mga ito sa kanya. (PIO Batangas City)