Civil Registration Month ipinagdiwang

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Sa pagdiriwang ng Civil Registration Month ngayong Pebrero, nagsagawa sa ikatlong pagkakataon ang City Civil Registrar ng patimpalak sa Sabayang Pagbigkas na may temang “#NapapanahongCRVS ( Civil Registration and Vital Statistics) kung saan lumahok ang walong public at private high schools sa lungsod.

Tinanghal na kampeon ang mag-aaral ng Paharang National Highschool. Nagkamit ang grupo ng P 15,000, trophy, certificate at gold medals.

Nanalo ng ikalawang gantimpala ang Casa Del Bambino Emmanuel Montessori na nakapag-uwi ng P 10,000, trophy, certificate at silver medals. P 5000, trophy, certificate at bronze medals naman ang nakuha ng third prize winner na Balete NHS.

Naging batayan sa pagpili ng mga nagwagi ay ang nilalaman ng pyesa na kailangan ay orihinal, pagkakasabay-sabay at kasanayan sa pyesa, linaw at galling sa pagbigkas, malikhaing interpretasyon ng pyesa, estilo at galaw sa entablado at pangkalahatang dating.

Nagsilbing mga hurado sina Provincial Statistics Officer Raul Maximo Tolentino, Shantelle Antenor ng City Legal Office at si PESO Manager Noel Silang.

Nagpaabot ng pagbati si Mayor Beverley Rose A. Dimacuha sa mga kalahok sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Local Economic Investment Promotion Officer Erick Sanohan.

Binigyang diin din niya ang naturang patimpalak ay isa sa mga mabisang paraan upang mailapit sa mga tao ang kahalagahan ng estadistika at civil registration.

Lubos ang pasasalamat ni City Civil Registrar Josie Maranan sa lahat ng mga paaralang lumahok at binati ang mga ito sa pagkakaroon ng confidence na humarap sa maraming tao.

Dumalo din si Philippine Statistics Authority (PSA) Regional Director Charito Armonia kung saan sa pamamagitan aniya ng patimpalak na ito ay naiipabatid sa publiko lalo na sa mga kabataan ang mga proyekto ng tagatalang sibil at ang kahalagahan ng pagpapatala ng kasal, kapanganakan, kamatayan at iba pang aspeto ng civil registry.

Samantala, kaugnay pa din ng pagdiriwang ng civil registration month, nagkaloob ng libreng serbisyo ang CRO sa mga kumuha ng birth, marriage at death certificate noong ika-27 ng Pebrero.(PIO Batangas City)