Sico Jail walang droga sa isinagawang Oplan Linis Piitan

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

BATANGAS CITY- Walang drogang natagpuan ang mga tauhan ng Batangas City Police, SWAT team at Bureau of Jail Management and Penology(BJMP) sa San Jose Sico Jail sa isinagawa nitong Oplan Linis Piitan.

Bagamat walang nakitang droga, may nakumpiska pa ring mga kontrabando na pwedeng makapanakit at gamitin sa anumang karahasan sa bilangguan. Kabilang dito ang mga pang ahit o razor, electrical cord, cable, mga pamalong dos por dos at iba pang pointed objects. Nakuha din ang ibat-ibang improvised na patalim na gawa sa kutsara, kawad, handle ng timba at marami pang iba.

Ayon sa jail warden na si J/Supt. Lorenzo Reyes, mahigit na 500 inmates ang nakakulong sa nasabing piitan subalit bumaba na ito kumpara noong isang taon na mahigit 600 ang preso.

Mahigpit aniya sila sa mga bumibisita sa mga preso upang maiwasan ang pagpupuslit ng mga droga at mga bagay na pwedeng gawing weapons.

“May mga incident tayo na na encounter tulad ng mga nagtatapon ng mga kontrabando over the bakod kaya nakipag coordinate ako sa local government upang makapag pasa ng ordinansang ipinagbabawal ang pagdadala ng kontrabando at maparusahan ang mga lalabag upang hindi na ito maulit pa. As of now, ang nagiging sanction lang natin ay administrative offense kung saan binibigyan lang namin ng cancellation ang kanilang visiting privilege for several days,” sabi ni Reyes.

Bilang bahagi ng kanilang social responsibility sa mga inmates, may livelihood program ang BJMP kung saan ibinebenta ang mga produktong gawa ng mga preso sa mga trade fair ng kanilang ahensya na ginagawa buwan buwan sa ibat-ibang bayan ng probinsiya. Binibigyan din ng pagkakataong makapag-aral ang mga bilanggo sa pamamagitan ng Alternative Learning System ng Dep Ed. Sumasailalim din sila sa values formation seminar, HIV seminar at family planning lectures.

Bumibisita naman ang mga lawyers ng Public Attorney’s Office upang gumawa ng one-on-one consultation sa mga preso tungkol sa kanilang mga kaso.(PIO Batangas City)